SAN JUAN, BATANGAS PATULOY NA NAGPAPADALA NG MGA FARM WORKER SA SOUTH KOREA

TULUY-TULOY ang pagpapadala ng lokal na pamahalaan ng San Juan, Batangas ng mga seasonal farm worker (SFW) sa South Korea, na kung saan matagumpay na naisagawa ang pre-departure meeting para sa ika-lima at ika-anim na batch ngayong taon.

Limampu’t anim na SFW ang nakatakdang ipadala sa Miyerkoles sa susunod na linggo (Abril 16) matapos talakayin sa pagpupulong ang mahahalagang tagubilin mula sa lokal na pamahalaan para sa kanilang kaligtasan at paghahanda sa ibang bansa. Kabilang dito ang mga ipinagbabawal na gawain, mga dapat dalhin at pag-angkop sa kultura, klima at pagkain sa South Korea.

Ipinapakita ng programang ito ang patuloy na suporta ni San Juan mayor Ildebrando Salud, katuwang ang International Cooperation Team, sa pagbibigay ng oportunidad sa mga mamamayan na makapagtrabaho at maipakita ang kanilang galing sa pagsasaka sa ibang bansa.

Noon lamang Abril 8, ligtas na nakarating sa South Korea ang ika-apat na batch ng mga SFW mula sa San Juan, Batangas, na lumapag sa Incheon International Airport bago tuluyang magtrabaho sa Hongcheon County matapos dumaan muna sa orientation.

Bago rito, noong Abril 7, isinagawa ang send-off ceremony para sa karagdagang 98 SFW na bahagi rin ng ika-apat na batch na tutungo rin sa Hongcheon County.

Inaasahang aabot sa 890 na SFW ang maipadadala ng San Juan, Batangas sa South Korea ngayong taon.

(NILOU DEL CARMEN)

 

52

Related posts

Leave a Comment