PINATUTUKOY na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar ang ilang tiwaling pulis na isinasangkot sa pangingikil sa mga bilanggo na may release order na ng korte.
Kasabay nito ay ipinag-utos na rin ni Eleazar kay Police Brig. General Thomas Frias, hepe ng Integrity Monitoring ang Enforcement Group (IMEG), na busisiin nang husto ang nabunyag na modus ng ilang police scalawags.
“Nakarating sa akin ang mga reklamo ng ating mga kababayan tungkol sa diumano’y modus ng ilang tiwaling mga pulis kung saan sinasadyang patagalin ang pag-release ng mga detainees kahit may court order na upang pagkakitaan sa pamamagitan ng sinisingil na ‘board and lodging fee’, ‘protection fee’ at may ‘visitation fee’ pa,” pahayag ni Eleazar.
“Dahil dito, inatasan ko na ang Integrity Monitoring and Enforcement Group na magsagawa ng imbestigasyon at mga operasyon tungkol dito kaya hinihikayat ko ang ating mga kababayan na makipagtulungan upang matukoy at agad na maparusahan ang mga pulis na sangkot dito,” dagdag pa ng heneral.
Base sa natanggap na sumbong ng opisina ng Chief PNP, sadyang pinatatagal ng ilang pulis ang pagpapalaya sa mga preso sa kabila ng pagkakaroon ng release order mula sa korte matapos makapagpiyansa.
Idinadahilan umano ng mga pasaway na pulis na hindi pa nila maaaring palayain ang mga detenido sa kabila ng kautusan ng korte dahil kailangan pa umano nilang tingnan kung may iba pa silang kinahaharap na kaso.
Binigyang diin ni Eleazar na ginagawa dapat ang pagbackground check ng mga detenido matapos ang pag-aresto para malaman kung may iba pa silang kinahaharap na kaso o pinaghahanap dahil sa iba pang mga aktibidad.
“I am also ordering all chiefs of police and other unit commanders to immediately release detainees under their custody if a court order is already issued and if the subject detainees have already complied with all the requirements for their release, except if they have other pending cases and if there are other legal grounds to continue their detention,” giit ni Eleazar. (JG TUMBADO)
