RAPIDO NI PATRICK TULFO
NABUKO namin ang ilang mga oportunista na gustong magsamantala sa reklamong hawak namin na may kinalaman sa mga hindi pa naihahatid na mga padala galing sa Dubai, UAE.
Isa rito ay ang nagpakilalang empleyado raw Oceanwide Logistics (OL) na nakabase raw sa Dubai.
Ayon sa mga pinadalang email sa amin ng complainants, may mga nagpadala raw sa kanila ng mensahe at nagsabing matutulungan nila ang mga ito na mailabas sa Bureau of Customs (BOC) ang natengga nilang mga kargamento sa naturang ahensiya.
Pinapalabas ng mga ito na sila raw ay direktang nakikipag-usap sa ALLWIN at Cargoflex upang mahanapan ng solusyon ang problema. Sabi ng ilang complainants na nakatanggap ng mensahe mula sa mga scammers na ito, sila ay hinihingan ng halagang may katumbas na P3500 hanggang P12,000 para maproseso ang mga papel ng container sa Customs.
Sa katunayan, nagpadala pa sa amin ng mensahe ang isang nagpakilalang Sunshiney Cortez na empleyado raw ng Oceanwide Logistics. Ayon sa nagpapanggap na ito, sila daw ang nag-aayos ng mga dokumento ng ALLWIN mula sa Dubai papunta sa Pilipinas.
Agad naming hinamon ang scammer ng one-on-one zoom interview sa aming programa sa radyo kung saan nagpalusot ito na wala naman daw problema pero kinakailangan pa raw ng approval ng kanyang managing director.
Kapansin-pansin din ang pagpapasikat nito at tila ba pinapalabas na talagang siya ay lehitimo sa pagpipilit nito na makipag-usap ng English na mali-mali naman ang grammar at spelling.
Bandang huli ay bumitiw na lang ito matapos na hindi matagalan ang mga pangsosoplang tinatanggap nito sa amin.
Samantala, sa aming pakikipag-usap kay Ms. Dinah ng Cargoflex, sinabi nito na talagang mayroon ngang nakipag-usap sa kanya na nagpakilalang taga- Oceanwide. Ang pakilala ay siya raw si Cherilyn Feliciano at ayon daw dito sila ay binigyan ng authorization ng ALLWIN upang ayusin ang problema.
Sinagot ni Ms. Dinah na sa tinagal-tagal nila sa negosyong ito hindi nila kilala ang Oceanwide Logistics. Sinabi rin ni Dinah sa kausap ang paalala ng Bureau of Customs sa kanila, na amin ding narinig nang sabihin sa amin ng isa sa mga nagrereklamo na kasama namin sa paghaharap sa Bureau of Customs sa MICP, na WAG MAGBABAYAD!
Dahil hindi kinikilala ng Customs ang anomang kumpanya maliban sa Cargoflex pagdating sa isyu ng mga padala ng ALLWIN sa bansa.
Sinupalpal din ng inyong lingkod ang aking kausap ukol sa ALLWIN at sinabing paano niya makakausap ang may-ari ng nito gayong ito ay nagtatago na.
Sa ngayon, naibigay na ng Allwin sa Customs ang manifesto na kailangan ng Cargoflex para ma-release ang mga bagahe. Aayusin na nila ito at kailangan na lang kunin sa warehouse ng Cargoflex nang libre o babayaran ang shipping fee sakaling gusto ng receiver na ipadeliver ito.
