SEN. LITO LAPID, IPRINOKLAMANG “HONORARY CHIEFTAIN” NG TRIBUNG AGTA SA IRIGA

IPINAGMAMALAKI ni Sen. Lito Lapid na isa na siyang “Bicolano” matapos kilalanin bilang “Honorary Chieftain” ng katutubong Agta ng Iriga City, Camarines Sur nitong Miyerkules, March 5.

Dumalaw si Lapid sa kanyang itinuturing na “hometown” sa Iriga City matapos ang motorcade sa mga bayan ng Camalig, Ligao at Polangui sa Albay, gayundin sa Nabua, Camarines Sur.

Si Lapid na chairman ng Senate Committee on tourism, ay kinilalang “Honorary Chieftain” ng katutubong Agta ng Iriga City sa isang simpleng programa na dinaluhan ng mga local official sa pangunguna ni Mayor Wilfredo Rex Oliva. Bilang pagkilala, binigyan si Lapid ng “inabel”(na gawa sa abaca) at “sumagang”(itak) na sandata ng isang pinunong Agta.

Naging malapit sa puso ni Lapid ang Bicol kahit noong bata pa siya dahil ang kanyang naging stepfather ay taga Iriga City.

“Naulila kami sa ama at nakapag-asawa muli ang aking ina nang isang Bicolano, taga Iriga siya, at nagtitinda ng balut. Itinaguyod nya kami kahit mahirap lang noon ang buhay namin. Siya ang nag-aruga at nagmahal sa aming limang magkakapatid bilang tunay na ama,” ayon pa sa senador.

Noong nakaraang taon, idineklarang “adopted son” si Lapid ng Iriga City, Camarines Sur sa pamamagitan ng isang resolusyon mula sa Konseho.

Pinarangalan rin ng Konseho ng Iriga City ang senador sa kanyang kontribusyon sa pagpapaunlad ng lungsod, kabilang ang kanyang proyekto para sa kapakanan ng mga indigenous people at marginalized sectors.

Sa ilalim ng 2025 budget, tumulong si Lapid para masiguro na mabibigyan ng pondo ang pagpapagawa ng Iriga City Indigenous People’s Culture and Heritage Multi-Purpose Center sa Ilian, Barangay San Nicolas, malapit sa tribal settlement ng tribung Agta.

Pinasalamatan naman ng mga katutubong Agta ng Iriga ang senador sa itatayong Cultural Heritage Center and Multi-Purpose Building.

Nang maupo si Lapid na gobernador ng Pampanga sa loob ng siyam na taon, nagbigay siya ng anim na ektaryang lupain sa Porac, Pampanga at nagpatayo ng mga bahay para sa mga Aeta na naapektuhan ng pagputok ng Mt. Pinatubo.

“Alam nyo po, mahal na mahal ko ang mga katutubo, kasi naging kasama ko ang mga Aeta noong nagpapastol ako sa bundok (sa Porac), nangangahoy ako, binibenta namin sa bayan kasama ko po sila. Nang pumutok ang Mount Pinatubo noong 1991 hanggang ngayon, kinupkop at tinulungan ko ang mga Aeta,” pahayag ni Lapid sa kanyang talumpati.

Si Lapid ay dadalo sa proclamation rally ng 12 senatorial candidates ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas na pangungunahan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. sa munisipyo ng Pili, Camarines Sur sa March 7. (DANNY BACOLOD)

13

Related posts

Leave a Comment