APLASCA, NAGSUMITE NG SAGOT SA KASONG DIRECT ASSAULT KAUGNAY SA PUTUKAN SA SENADO

DUMALO si dating acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Ranada Aplasca sa ikatlong preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) kaugnay ng kasong direct assault na isinampa laban sa kanya dahil sa umano’y pagpapaputok ng baril sa kasagsagan ng pagtatangkang pag-aresto kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa noong Mayo 14, 2026.

Nagsumite si Aplasca ng kanyang sagot sa reklamong inihain ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) nitong Miyerkules, Oktubre 28.

Inatasan naman ng DOJ prosecution ang kampo ng PNP-CIDG na magsumite ng reply affidavit sa Nobyembre 6 upang sagutin ang mga pahayag ni Aplasca at suportahan ang reklamong kriminal laban sa dating hepe ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA).

Nag-ugat ang kaso sa umano’y sunod-sunod na pagpapaputok ni Aplasca ng baril sa loob ng gusali ng Senado habang isinasagawa ang operasyon laban kay Dela Rosa.

Ayon sa reklamo, nagdulot umano ng takot at panganib ang insidente sa mga empleyado ng Senado, mga senador, miyembro ng media at iba pang sibilyang nasa Senate complex.

Si Dela Rosa ay tinangkang arestuhin alinsunod sa warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa drug war ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Gayunman, nakatakas ang senador sa kasagsagan ng operasyon.

Ayon kay DOJ Spokesperson Polo Martinez, kailangan ding magsumite ng reply affidavit ang mga pulis upang suportahan ang reklamo laban kay Aplasca at sa dalawa pang miyembro ng OSAA.

Sa Nobyembre 13 naman nakatakdang makumpleto ang pagsusumite ng mga dokumento mula sa magkabilang panig upang mapag-aralan ng mga piskal kung may sapat na batayan o prima facie evidence para sa pagsasampa ng kaso sa korte.

(JULIET PACOT)

70

Related posts

Leave a Comment