NASAMSAM ang tinatayang P353,668 halaga ng hinihinalang shabu habang tatlong hinihinalang drug pusher, kabilang ang dalawang nakatala bilang High Value Individuals (HVI), ang naaresto sa isang buy-bust operation sa Imus City, Cavite, Martes ng gabi.
Nasa kustodiya na ng Imus Component City Police Station ang mga suspek na kinilala sa mga alyas na Tropa at Ruby, kapwa nasa HVI list, at Jhon, na nakatala bilang Street Value Individual.
Nahaharap ang tatlo sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Batay sa ulat, isinagawa ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) at Imus Component City Police Station ang operasyon dakong alas-7:00 ng gabi sa Barangay Anabu 2E, Imus City, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Narekober sa kanila ang humigit-kumulang 52.01 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P353,668, buy-bust money at isang Android phone.
(SIGFRED ADSUARA)
70 