DUMATING sa Pilipinas si United States Secretary of War Pete Hegseth upang dumalo sa opening ceremony ng Association of Southeast Asian Nations Defence Ministers’ Meeting-Plus (ADMM-Plus) sa Cebu nitong Martes.
Lumapag si Hegseth sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) sakay ng Boeing E-4B Nightwatch ng United States Air Force, na kilala rin bilang “Doomsday Plane” dahil dinisenyo ito upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng pamahalaan ng Estados Unidos sa panahon ng matinding emergency, kabilang ang pagkasira ng mga pangunahing command center.
Bahagi si Hegseth ng delegasyon ng Estados Unidos na makikipagpulong sa mga defense minister ng mga bansang kasapi ng ASEAN. Kasama rin niya sina Assistant Secretary of War for Indo-Pacific Security Affairs John Noh at Deputy Assistant Secretary of War for South and Southeast Asia Rafael Leonardo.
Una nang sinabi ni Philippine Department of National Defense (DND) Assistant Secretary Arsenio Andolong na kabilang sa mga pangunahing tatalakayin sa pagpupulong ang maritime security, partikular ang sitwasyon sa West Philippine Sea.
“The Secretary always said that the West Philippine Sea will always be part of the discussion. It would be no different,” pahayag ni Andolong.
Ang Pilipinas ang punong-abala sa 20th ASEAN Defence Ministers’ Meeting (ADMM) at 13th ADMM-Plus na idinaraos sa Cebu ngayong Oktubre 28 at 29, sa pangunguna ni Defense Secretary Gilberto Teodoro bilang kasalukuyang chairman ng ASEAN defense ministers.
Sa pagbubukas ng ADMM-Plus, pinuri ni Hegseth ang Pilipinas, partikular si Teodoro, sa pamumuno nito sa mga pagpupulong ng mga defense minister ng rehiyon ngayong taon.
May temang “Navigating Our Future Together” ang pagtitipon.
Ayon sa DND, ang ADMM ang pinakamataas na mekanismo ng ASEAN para sa konsultasyon at kooperasyon sa larangan ng depensa. Pinalalawak naman ng ADMM-Plus ang pakikipagtulungan sa walong dialogue partner ng ASEAN, kabilang ang Australia, China, India, Japan, New Zealand, South Korea, Russia at Estados Unidos.
Kinumpirma rin ni Teodoro na kabilang sa mga pangunahing usapin sa pagpupulong ang sitwasyon sa South China Sea.
Sa kanyang opening remarks, iginiit ng kalihim na dapat lutasin ang mga sigalot sa South China Sea sa pamamagitan ng mapayapa at legal na pamamaraan.
“Our strength lies in diversity. We should not allow our differences to divide us from within,” pahayag ni Teodoro.
Kabilang din sa mga inaasahang larangan ng kooperasyon ang maritime security, humanitarian assistance and disaster response, counterterrorism, peacekeeping operations, military medicine, humanitarian mine action at cybersecurity.
Ayon sa DND, kabilang sa mga prayoridad ng Pilipinas sa bilateral relations nito sa Estados Unidos ang pagpapalakas ng alyansa, modernisasyon ng depensa, at pagpapaunlad ng kakayahan at kapasidad ng militar sa hinaharap.
Nagsisilbi ring mahalagang yugto ang pamumuno ng Pilipinas sa ADMM ngayong taon dahil kasabay ito ng ika-50 anibersaryo ng Treaty of Amity and Cooperation (TAC) sa Southeast Asia at ika-20 anibersaryo ng ADMM.
Kaugnay nito, pinagtibay ng mga kasaping bansa ang Joint Statement Commemorating the 50th Anniversary of the Signing of the TAC at ang Manila Joint Declaration on the 20th Anniversary of the ADMM.
Binigyang-diin muli ni Teodoro na bagama’t may pagkakaiba ang mga bansang kasapi ng ASEAN, hindi ito dapat maging hadlang sa pagkakaisa at sa mapayapa at legal na paglutas sa mga sigalot sa rehiyon, kabilang ang South China Sea.
(JESSE RUIZ)
94 