IPINAALALA ng pamahalaang Lungsod ng Maynila na huling araw na ng paglilibing ng kanilang mga mahal sa buhay nitong Miyerkoles bilang paghahanda sa darating na Undas 2026.
Inanunsyo ng punong lungsod na hanggang Oktubre 28 na lamang muna ang araw ng paglilibing sa Manila North Cemetery at Manila South Cemetery.
Ayon sa kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, mula alas-singko ng umaga hanggang alas-otso ng gabi, mananatiling bukas ang naturang mga sementeryo sa Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, 2026.
Gayunpaman, balik sa regular na serbisyo ang mga ito sa ikatlo ng Nobyembre pagkatapos ng obserbasyon sa Todos Los Santos.
Kaugnay nito, sa paggunita ng All Saints Day at All Souls Day, anomang uri ng sasakyan ay hindi na pahihintulutan makapasok sa sementeryo sa mga nabanggit na araw.
Kaugnay nito, may mga inihandang ‘transport service’ na maghahatid lalo na sa mga ‘senior citizens’, patungo o papalapit sa bibisitahing puntod sa sementeryo.
Samantala, nagpaalala rin ang pamunuang lungsod laban sa mga nagpapanggap na pari na umiikot sa mga sementeryo para makakolekta ng donasyon sa paparating na Undas.
Nabatid na maging ang PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) ay naglabas ng paalala sa publiko hinggil sa mga pekeng pari o pastor na layuning kumita sa pamamagitan ng pagsasamantala sa mga may mahal sa buhay na nakalibing sa mga semteryo.
“Undas is a sacred and meaningful occasion for our families to remember and honor our departed loved ones,” pahayag ni NCRPO Officer-in-Charge Brig. Gen. Christopher Abrahano.
“We appeal to everyone not to allow their emotions to be exploited by individuals who may use religious representation as a means to obtain money,” sabi pa ng heneral.
Hinimok ni Abrahano ang publiko na beripikahin ang pagkakakilanlan ng sinomang nagpapakilalang pari sa pamamagitan ng cemetery administrators o parokya o diocese na nakasasakop dito.
“When in doubt, do not hand over money or personal information,” paalala pa pulisya.
(JESSE RUIZ)
133 