BOC KINUWESTYON NG COA SA 52 LUXURY VEHICLES NA INIULAT NA NAKUMPISKA

KINUWESTYON ng Commission on Audit (COA) ang Bureau of Customs (BOC) kaugnay ng 52 mamahaling sasakyang iniulat na nakumpiska ng ahensya ngunit walang katumbas na rekord sa Auction and Cargo Disposal Management Division (ACDMD) at Accounting Division.

Tinatayang aabot sa P1.292 bilyon ang kabuuang halaga ng mga sasakyan na unang iniulat na nakumpiska sa Port of Manila (POM).

Sa 2025 audit report ng COA sa BOC na inilabas kamakailan, binigyang-diin na kulang o walang naipasang kaukulang ulat ang Auction and Cargo Disposal Division (ACDD) kaugnay ng mga nasabing sasakyan.

Batay sa pagsusuri ng COA, may 4,803 kaso o entry na nakatala sa ACDD, ngunit 2,849 lamang ang nairehistro sa ACDMD at Accounting Division.

Dahil sa mga ganitong pagkukulang sa pagtatala at pagmomonitor, sinabi ng COA na nagkakaroon ng panganib ng hindi awtorisadong disposisyon ng mga nakumpiskang ari-arian.

Ayon sa ACDMD, naglabas na ito ng mga kautusan at paalala sa lahat ng pantalan upang matiyak ang buwanang pagsusumite ng mga ulat at maisagawa nang maayos ang monitoring, reconciliation at recording ng mga nakumpiskang ari-arian.

Gayunman, sinabi ng COA na sa kabila ng mga hakbang na ito ay hindi pa rin nakakamit ang ganap na pagsunod sa mga itinakdang proseso.

74

Related posts

Leave a Comment