Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa mga ahensya ng gobyerno na pasimplehin ang mga rekisito para sa maliliit na negosyo upang matulungan ang mga negosyante na mapalago ang kanilang kabuhayan at makasabay sa pormal na ekonomiya.
Kasunod ito ng desisyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na pansamantalang suspindihin ang mandatoryong pagpapakita ng Registration Seal Badge para sa mga online seller at content creator habang sinusuri ang mga usapin kaugnay ng privacy at teknikal na implementasyon nito.
Malugod na tinanggap ni Cayetano ang hakbang ng BIR, ngunit iginiit na marami pang maaaring gawin ang pamahalaan upang matulungan ang maliliit na negosyo, kabilang ang mga nasa impormal na sektor na may mahalagang ambag sa ekonomiya ng bansa.
“A business does not have to be big to matter. If it keeps a child in school or a family out of debt, it is doing something worthwhile,” pahayag ni Cayetano sa kanyang Facebook post noong Oktubre 27, 2026.
“We should help, not hamper, these entrepreneurs. Our goal is to help them grow within the formal economy,” dagdag ng senador.
Hinimok din niya ang mga ahensya ng gobyerno na pagbutihin ang kanilang koordinasyon upang mapadali ang mga proseso at mabawasan ang oras na ginugugol ng mga negosyante sa pagtupad sa mga rekisito ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni Cayetano na dapat aktibong maghanap ng mga paraan ang pamahalaan upang magkaroon ng kumpiyansa ang maliliit na negosyante sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo at mabigyan sila ng sapat na oportunidad upang lumago.
“Some small sellers want only a dependable livelihood. Others hope to expand and employ people. Both deserve a fair chance. Our people are already making the effort. Let us help that effort bear fruit,” ayon sa senador.
Dagdag pa niya, kailangan ang koordinadong pagkilos ng lahat ng ahensya ng pamahalaan upang mapagaan ang proseso nang hindi isinasakripisyo ang proteksyon sa mga mamimili, personal na impormasyon at kita ng gobyerno.
“This requires a whole-of-government effort. Better coordination can save people time while protecting consumers, personal information, and public revenues,” aniya.
Nagpasalamat din si Cayetano sa mga online seller, content creator at iba pang stakeholder na nagpahayag ng kanilang mga saloobin tungkol sa polisiya, kabilang si Senator Pia Cayetano.
“This is how we should work together,” pahayag ng Senate Minority Leader.
Binigyang-diin niya na mahalagang pakinggan ang mga taong araw-araw na humaharap sa mga rekisito ng pamahalaan dahil makatutulong ang kanilang karanasan sa pagbuo ng mas angkop na mga polisiya at pagpapalakas ng tiwala ng publiko.
“With sound policies and institutions they can rely on, that resourcefulness can help them build a better future,” dagdag ni Cayetano.
66 