SENADO MAGPAPATUPAD NG TOTAL LOCKDOWN

MAGPAPATUPAD ng total lockdown ang Senado para sa general cleaning at disinfection makaraang umakyat na sa pitong senador ang tinamaan ng COVID-19 simula nang magbukas ang sesyon ng 19th Congress.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, inatasan na niya ang Secretariat para sa malawakang paglilinis at disinfection sa lahat ng tanggapan sa Senado.

Ipatutupad ang total lockdown sa gusali at ang lahat ng empleyado ay sasailalim muna sa work from home arrangement sa Lunes, Agosto 22 magbabalik ang sesyon sa Martes, Agosto 23.

Huling naidagdag sa listahan ng COVID-19 positive sina Senators Joel Villanueva, JV Ejercito at Nancy Binay.

Una nang kinumpirma ni Villanueva na sumailalim siya sa RT-PCR test bilang paghahanda sa kanilang family vacation para ipagdiwang ang kaarawan ng kanyang maybahay subalit nagpositibo ang resulta nito.

Kasunod nito ay nagpositibo rin si Ejercito matapos sumalang sa RT PCR test dahil sa mga kaso ng mga kasamahang tinamaan ng virus.

Matapos namang mabalitaan ang sitwasyon nina Villanueva at Ejercito, sumalang din sa antigen test si Binay na positibo ang resulta.

Inihayag naman ng tatlong senador na wala silang nararamdamang sintomas.

Una nang inihayag ni Senador Imee Marcos na nananatiling positibo ang kanyang RT PCR test kaya’t hindi rin natuloy ang plano nitong pagtungo sa Dubai upang bisitahin ang Filipino community.

Patuloy ding nagpapagaling sa virus sina Senators Cynthia at Grace Poe habang si Sen. Alan Peter Cayetano ay nakarecover na sa COVID-19.(DANG SAMSON-GARCIA)

102

Related posts

Leave a Comment