BIGONG makadalo sa special session para sa pag-apruba ng panukala para sa mga hakbangin sa pakikipaglaban sa COVID 19 ang mga miyembro ng Minorya sa Senado.
Alas-10 ng umaga nang magsimula ang sesyon na dinaluhan ng kabuuang 12 senador.
Sa paliwanag nina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senador Kiko Pangilinan at Senador Risa Hontiveros, kasalukuyan silang nasa ilalim ng 14 araw na quarantine.
“The absence of the Minority Bloc in the Special Session is NOT, repeat NOT, a boycott. We are on a 14 day self quarantine as we were exposed on March 11 to Sen Migz Zubiri, who was tested positive,” paliwanag ni Drilon.
Idinagdag pa ni Drilon na dahil sa kanyang edad at pagkakaroon ng pacemaker para sa kanyang puso ay maituturing siyang high risk kaya’t kinakailangan ng dagdag na pag-iingat.
“On my participation in the Special Session being held in the Senate today to discuss the President’s request for emergency powers, I am strictly following health protocols set by the DOH and am currently still under self-quarantine set to end by March 25,” saad naman ni Hontiveros.
Ipinaliwanag naman ni Pangilinan na batay sa payo sa kanya ng kanilang doktor, maituturing siyang Person Under Monitoring (PUM) makaraang makaranas ng ilang sintomas tulad ng dry cough.
Hiniling naman ng mga ito sa liderato ng Senado na payagan silang makisali sa talakayan sa pamamagitan ng teleconference subalit wala umang pasilidad ang Senado para rito.
Sa panig ng mayorya, kasalukuyan ding naka-self quarantine si Senador Sonny Angara habang patuloy na nagpapagalingsi Senate Majority Leader Migz Zubiri.
Present sa session sina Senate President Tito Sotto, Senators Win Gatchalian, Pia Cayetano, Bong Go, Ping Lacson,
Lito Lapid, Manny Pacquiao, Grace Poe, Ralph Recto, Bong Revilla, Francis Tolentino at Richard Gordon. DANG SAMSON-GARCIA
