DAVAO, MAY BEST RECORD SA 2020 MPBL LAKAN CUP

ITINAKAS ni Emman Calo ang Davao Occidental Tigers sa huling 8.8 seconds nang talunin ang Marikina Shoemasters, 85-83 at tinapos ang elimination round ng Chooks-to-Go MPBL Lakan Season South division na may pinakamagandang record na 26-4 sa South division.

Habang ang Manila Stars ay sumandal naman kina Chris Bitoon at Aris Dionisio para talunin ang Zamboanga Family’s Brand Sardines, 74-71.

Tinapos ng Manila ang elims bilang second seed sa North division (25-5).

Umakyat naman ang General Santos Warriors sa 17-12 record sa South, matapos ilampaso ang Sarangani Marlins, 103-87.

Tinapos ng GenSan ang playoffs dream ng Cebu Casino (15-14) at winakasan ang season ng Sarangani sa pinakamasamang 1-29 records.

Matapos ang triple, sinundan ni Calo ng pagsupalpal kay Yves Sazon ang aksyon sabay sa pagtunog ng buzzer at kumpletuhin ang resbak ng Tigers mula sa 76-81 deficit, 1:17 sa laro.

Si Von Tambeling ay may 32 points, pero si Calo ang naging ‘savior’ ng Tigers sa paghatak sa Shoemasters sa ibaba ng North, 7-22.

Tumapos si Calo na may 11 puntos, habang si Joseph Terso ay may 13 points, nag-ambag naman si Mark Yee ng 11 points at 14 rebounds at 11 points din mula kay Yvan Ludovice.

Tatapusin ng MPBL Lakan Season elimination rounds sa pamamagitan ng four-game bill sa Caloocan Sports Complex ngayon (Miyerkules), kung saan maghaharap ang Batangas at Cebu sa alas-2:00 ng hapon, susundan ng Rizal vs Marikina (4:00 p.m.), kasunod ang Nueva Ecija kontra GenSan (6:15 p.m.) at Mindoro laban sa Caloocan (8:15 p.m.). (VT ROMANO)

207

Related posts

Leave a Comment