(By ROMMEL GONZALES)
Sa January of next year, isisilang ni LJ Reyes ang una nilang anak ni Paolo Contis.
At kapag handa na siyang muling sumabak sa showbiz ay mananatiling Kapuso ang aktres.
“Oo naman. Ang GMA naman, lahat ng bosses ko sa GMA, very supportive sila, very patient, very understanding at very loving sila.
“Na parang, ‘Sabihan mo lang kami kung ready ka na uli.’
“Actually nakakatawa kasi hanggang last week, parang meron pa kong mga inquiry sa TV. Sabi ko, ‘Ah hindi ko na po kaya, hindi lang po halata 7 ½ months na po ako, hindi ko na po kayang mag-taping’,” ang natatawang kuwento ni LJ.
Hiningan namin ng opinyon si LJ, bilang solid Kapuso, tungkol sa paglipat sa ibang istasyon.
“Mahirap naman din gawin ‘yun. Naiintindihan ko na siyempre merong iba sa amin na siyempre nakakita ng magandang opportunity sa kabila. And hindi mo naman dapat din siguro ikasama ng loob ‘yun or ano di ba, ganun talaga ang buhay.
“Hindi mo rin naman masabi di ba, malay mo pag tumanda, alam mo ‘yun, I mean… it’s also a business, so…”
Pumunta kung saan may trabaho?
“Oo. Sa totoo nga lang sana di ba, wala masyadong network wars or ‘yung people, they don’t make us fight with each other, di ba?
“Kasi, sa totoo lang, tayu-tayo pa rin naman ang nagkikita e, di ba? Kahit saan tayo magpunta. Nakakatuwa nga kasi sa mga indie films na nga lang kami nakakapagtrabaho na nakakasama namin ‘yung galing sa kabilang station.
“And iba rin kasi ‘yun eh, growth din ‘yun for mga artists. Hindi lang mga aktor, mga direktor, growth din ‘yun for all of us, di ba? Na meron kaming ibang makasalamuha, na makatrabaho. Growth ‘yun e, so development; so it’s something positive.”
Nakatakdang mag-renew si LJ ng kontrata sa GMA.
“Haping-happy ako sa GMA, wala namang dahilan para lumipat.
“GMA pa rin ako. Alam mo, ‘yung GMA naging parang second home ko talaga siya. Homegrown eh. Tapos ramdam ko naman ‘yung suporta nila sa akin, tsaka pagmamahal nila sa akin, so parang ang hirap lumipat, alam mo ‘yun?
Masaya naman si LJ na magkasunod na nag-showing ang dalawang pelikula ni Paolo. Una, yung Through Night And Day at ngayon (Miyerkules) November 28 naman ay palabas sa mga sinehan ang Ang Pangarap Kong Holdap.
“Natutuwa ako na ngayon very open na siya with it.”
Matagal hindi gumawa ng pelikula si Paolo.
“Oo. Siguro sabi ni God, ‘Siya na muna, wag na muna ikaw’.
“Pero ‘yun nga, natutuwa ako kasi magaganda talaga ‘yung material na nakukuha niya at he deserves it naman talaga, dahil napaka-wide talaga ng range ng talent nitong taong ‘to. Sabi ko nga napakagaling nung brain niya talaga, witty siya when it comes to comedy, tapos napakagaling niyang aktor pagdating sa drama.”
144