REGINE, SARAH G. MAGSASANIB-PUWERSA

(NI ASTER AMOYO)

MATAPOS ang matagumpay na concert collaboration sa pagitan ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez at ang Unkabogable Box Office Superstar na si Vice Ganda sa kanilang three-night sold-out concert sa Araneta Coliseum noong nakaraang February na pinamagatang “The Songbird and the Song Horse” at ang “Iconic” two-night concert ng Megastar na si Sharon Cuneta at ni Regine, isa namang major two-night concert ang aabangan ng mga concert goers sa darating na February 2020 dahil nakatakdang magsanib-puwersa sina Regine at ang Popstar Royalty na si Sarah Geronimo.

Sina Regine at Sarah G. ay nakatakdang magkaroon ng back-to-back major concert on February 14 & 15 at malamang na ganapin pa rin ito sa Araneta Coliseum.

Kung matatandaan pa, si Sarah ang naging grand champion ng singing competition na “Star for A Night” (2002-2003) sa GMA kung saan si Regine ang host. At hindi rin ikinakaila ng Pop Princess na si Regine ay isa sa kanyang mga iniidolo noon pa man.  Ang dalawa ay madalas magsama ngayon sa “ASAP Natin `To” na naging posible magmula nang lumipat sa Kapamilya Network ang misis ni Ogie Alcasid in October 2017.

Ngayon pa lamang ay marami na ang excited sa pagsasama nina Regine at Sarah G. sa entablado for an equal-billing major two-night concert.

Samantala, isa si Regine sa natuwa nang ipaalam sa publiko ang kanilang engagement na nung isang taon pa pala nangyari pero nitong November 7 lamang ipinaalam ni Matteo Guidicelli sa kanyang Instragram account ang tungkol dito pero hindi idinetalye kung kelan at saan ito nangyari.

May dalawang major projects sina Sarah at Matteo bago nila harapin ang kanilang planong pagpapakasal na malamang manyari sa susunod na taon.

Nakatakdang simulan ni Matteo ang kanyang kauna-unahang movie project sa bakuran ng Viva Films at Epik Studios, ang “Penduko” na nakatakdang idirek ni Jason Paul Laxamana. Habang si Sarah naman ay paghahandaan ang two-night Valentine concert nil ani Regine.

Malakas din ang paniniwala namin na malamang kuning ninang nina Sarah at Matteo si Regine sa kanilang kasal.

EX NI ROXANNE MAY BABY BOY NA

Tumagal din ng mahigit apat na taon ang naging relasyon ng dating PBB housemates na sina Roxanne Barcelo at Wil Devaughn pero ito’y nauwi sa hiwalayan nung December 2017.  Pero agad namang nakahanap si Wil ng kapalit ni Roxanne sa kanyang puso sa pamamagitan ng model at international host na si Cay Kujipers, half Dutch at half-Filipina-Spanish.

Marami naman ang nagulat nang ipaalam ni Wil sa publiko na isinilang ang first baby nila ng kanyang girlfriend na si Cay, ang baby boy na si Magnus Orion na isinilang last November 9.

Ano kaya ang naging reaction dito ng ex-girlfriend ni Wil, ang singer-actress na si Roxanne na tiyak namang matagal nang nakapag-move on sa kanilang break-up?

Nang aminin ni Roxanne ang kanilang break-up ni Wil in January 2018, inamin ng dalaga na si Wil umano ang best relationship that she ever had.  Ito rin ang pinakamatagal niyang naka-relasyon.

DADDY MARCELITO NEEDS OUR HELP

Matapos mapanood ang 2nd  season winner ng “Pilipinas Got Talent” na si Marcelito Pomoy (35) sa “The Ellen DeGeneres Show” as Amerika nung isang taon, wala nang gaanong balita tungkol sa kanya ang publiko.  Pero muli na naman itong bumulaga nang humingi siya ng tulong at suporta mula sa kanyang mga kababayan sa kanyang nalalapit na pakikipag-compete sa “America’s Got Talent: The Champions” kung saan maglalaban-laban ang iba’t ibang champions mula sa iba’t ibang bansa.  Si Marcelito ang magiging pambato ng Pilipinas na nakatakdang matunghayan in January 2020 on NBC TV.

Magkahalong excitement at kaba ang nararamdaman ngayon ng singer na kayang gawin ang tenor at soprano voice dahil lahat champions ang kanyang makakatunggali.

Si Marcelito na nagmula sa isang mahirap  at broken family na iniwan ng kanilang ina para lumuwas ng Maynila habang nakakulong ang ama.  Siya’y in-adopt ng isang police officer.  Pero nang siya’y manalo sa PGT nung 2011 ay muli niyang nakita ang kanyang estranged parents

Si Marcelito ay may asawa na rin ngayon.  Kanyang pinakasalan ang kanyang girlfriend na si Joan Paraiso at meron na silang isang anak na babae.

NATHALIE TO SPARE HER DAUGHTER FROM SHOWBIZ

Sinabi ng nagbabalik-showbiz na si Nathalie Hart na gusto niyang i-spare from showbiz ang kanyang  9-month old daughter na si Penelope pero panay naman ang kanyang post ng kanyang anak sa kanyang Instagram account.

Ang ama ng baby ni Hart ay isang Indian businessman na si Mayank Sharma pero hindi na ito nababanggit ng aktres.

Si Baby Penelope ay isinilang ni Hart sa Australia kung saan naka-base ang kanyang pamilya.

 

 

269

Related posts

Leave a Comment