SINGKABAN FESTIVAL 2022 UMARANGKADA NA

CITY OF MALOLOS- Nagsimula na ang selebrasyon ng lalawigan ng Bulacan sa tinaguriang “mother of all fiestas” – ang Singkaban Festival 2022 sa pormal na pagbubukas nito na ginanap sa harap ng kapitolyo nitong Huwebes, Setyembre 8, 2022.

Ito ang kauna-unahang face-to-face celebration ng pamahalaang panlalawigan sa naturang okasyon makaraan ang 2 taong pandemiya kung saan ang bawat dumalo ay nag-enjoy sa “Parada ng Karosa” bilang bahagi ng selebrasyon.

Ayon kay Katrina Anne B. Balingit, head of Provincial Public Affairs Office, ang selebrasyon sa taong ito ay kinasabikan dahil sa isang linggong kaganapan na puno ng saya na mayroong temang “Patuloy na Pagsikhay Tungo sa Tagumpay”.

Pinangunahan nina Governor Daniel Fernando at Vice Governor Alexis Castro ang Grand Opening kasama si Department of Tourism Secretary Maria Esperanza Christina Garcia Frasco na kinatawan ni Undersecretary Ferdinand “Cocoy” Jumapao bilang guest of honor.

Nanawagan si Fernando sa kanyang mga kapwa Bulakenyo na ipagpatuloy ang pamana ng Singkaban Festival sa pamamagitan ng pagsuporta sa isang linggong aktibidad na inilaan para ipagbunyi ang mayamang kultura at kalinangan ng lalawigan ng Bulacan.

“Kapit-bisig tayo sa pagpapayabong ng pamanang ito na nananaig sa gitna ng anomang hamon at nagpapatuloy sa bawat yugto ng kasaysayan ng ating lalawigan,” wika ng gobernador.

Ipinagmalaki ni Fernando na ang Bulacan bilang lalawigan ang siyang may pinakamaraming pambansang alagad ng sining sa halos lahat ng kategorya.

“Ito ang ating lahi. Ito ang ating pamana. Tandaan po natin na ang Bulacan ay dakilang lalawigan na karapat-dapat sa ating matapat na pagmamahal,” sabi nito.

Sa ginanap na pre-celebration ay pinangunahan naman ni Castro kasama sina Provincial Administrator Antonette Constantino, Guiguinto Mayor Agatha Paula Cruz at Pulilan Mayor Maritz Ochoa-Montejo ang reopening ng 2022 Bulacan Food Fair and Exposition (BUFFEX) bilang bahagi ng aktibidad ng Singkaban Festival 2022.

Kasama rin ang asawa ng bise gobernador na si Sexbomb Sunshine Garcia, pinangunahan nila ang “BUFFEX SKL -Sayaw Kanta Luto” cooking demo para sa pormal na pagbubukas ng  BUFFEX Coverage para sa Tiktok Contest na may temang “Tangkilikin ang BUFFEX”. (ELOISA SILVERIO)

474

Related posts

Leave a Comment