BALITANG NBA Ni VT ROMANO
SABLAY sina James Harden at Joel Embiid sa huling dalawang minuto at yumuko ang host Sixers sa Toronto Raptors, 93-88 sa Philadelphia, Linggo ng gabi (Lunes sa Manila).
Ilang beses hinawakan ni Harden ang bola sa final 2:25, pero bigo siyang makapagdeliber, bunga nang mahigpit na depensang inilagay ng Raptors, naghahangad ng playoff spot sa Eastern Conference.
”He’s got all the options,” komento ni Raptors coach Nick Nurse. ”He went to the float game and we made some plays on it. That’s really the defense.”
Angat ng isa ang Raptors 87-86, nagmintis si Harden sa dalawa niyang free throws, sumablay sa driving layup sa huling 59 segundo, habang naghahabol ang Sixers, 89-86.
Hawak ng 76ers ang bola sa last 37.3 seconds nang mabitiwan ni Joel Embiid.
Kasunod nito, hindi rin nai-pasok ni Scottie Barnes ang dalawang free throws, para manatili sa Toronto ang 90-88 lead, 7.1 seconds na lang.
Bukod dito, natawagan din si Harden ng offensive foul laban kay Chris Boucher, na tuluyang tumapos sa comeback bid ng Sixers.
Nag-contribute si Pascal Siakam ng 26 points at 10 rebounds at may 21 puntos si Precious Achiuwa. Habang si Boucher ay nagsumite ng 12 points at 14 rebounds para i-extend ang road winnings treak ng Toronto sa anim.
”We were trying to make it hard for him in the paint,” wika naman ni Boucher patungkol kay Harden.
Ang Raptors ay may 20 offensive rebounds at 56-40 overall.
May apat na basket lang ang Sixers at pitong turnovers sa fourth quarter.
”We just got our butt kicked. That’s all I have,” lahad naman ni Sixers coach Doc Rivers.
Si Embiid ay may 21 points at 13 rebounds para sa Philadelphia. Nagtala lamang siya ng 6-of-20 overall sa floor at mintis ang tatlo niyang 3-pointers. Si Tyrese Maxey ay nag-ambag ng 19 points at 17 mula kay Harden.
”I just got to be better, it’s simple,” sambit ni Harden.
WARRIORS NAISAHAN NG SPURS
UMISKOR si Keldon Johnson nang makuha ang rebound mula sa sumablay na free throw, 0.3 seconds at itinakbo ng San Antonio Spurs ang 110-108 win kontra Golden State Warriors sa San Francisco.
Naipasok ni Jakob Poeltl ang unang free throw para sa 108-108 count, 2.4 seconds na lang. Sumablay ang ikalawa, kung saan nakuha ni Johnson ang rebound sabay follow-up para sa winning basket.
Mintis din si Klay Thompson sa 3-pointer sabay tunog ng buzzer.
Nanguna si Josh Richardson sa Spurs, 25 points at 19 puntos naman kay Dejounte Murray.
Umiskor si Jordan Poole ng 28 points at si Thompson nag-ambag ng 24 para sa Golden State, unang larong wala si Stephen Curry bunga nang left foot injury.
Nalaglag ang third-place Warriors ng isa at kalahating laro sa likod ng second-place Memphis at 10 1/2 games naman sa NBA-leading Phoenix Suns.
Tabla ang iskor, 107-107, nang ma-foul si Andrew Wiggins, kung saan nai-shoot niya ang unang free throw, pero mintis sa ikalawa para ibigay sa Warriors ang one-point lead, 108-107.
Natawagan si Kevon Looney ng loose-ball foul kay Poeltl sa papaupos na oras.
Nasa starting lineup ng Warriors si Draymond Green sa unang pagkakataon mula nang magbalik mula sa calf injury noong nakaraang linggo, subalit napatalsik sa third quarter matapos matawagan ng dalawang Ts sa loob ng walong segundo.
NUGGETS KINUYOG
NG CELTICS
KAPWA umiskor sina Jaylen Brown at Jayson Tatum ng 30 points nang ilampaso ng Boston Celtics ang Nuggets, 124-104, Linggo ng gabi sa Denver.
Nagtala ang Celtics ng 57.3% sa floor at 19-of-40 beyond the arc. Mayroon din silang 11 free throws.
Hindi nagawang dumikit ng Nuggets. Nakakuha ng 23 points mula kay Nikola Jokic, shot 40.2% sa floor at 14-of-39 sa long range.
Sina Tatum at Payton Pritchard ay may tig-apat 3-pointers bago ang break, tungo sa Celtics’ 46-21 run sa pagtatapos ng first half. Umiskor ang Boston ng 15 points sa second quarter mula sa 3-pointers at ang half-court basket ni Tatum ang nagsara sa half.
Si Pritchard ay may ambag na 17 points, habang si Grant Williams, 13 points.
Si Jokic ang nanguna sa Nuggets, pero ang reigning MVP ay nagmintis ng 14 shots sa first half at tumapos na 8-of-23 sa floor.
Na-outscore ng Celtics ang Denver 64.3% to 30.6% sa first half at maging sa bench scoring, lamang ang Celtics, 29-14.
Samantala, nagwagi ang Indiana Pacers sa Portland TrailBlazers, 129-98; wagi rin ang New Orleans Pelicans sa Atlanta Hawks, 117-112 at ang Orlando Magic laban sa Oklahoma City Thunder, 90-85.
Umiskor ang Memphis Grizzlies ng 122-98 win kontra Houston Rockets; nangailangan naman ang Phoenix Suns ng ekstrang limang minuto para hablutin ang 127-123 win kontra Sacramento Kings.
Panalo rin ang Utah Jazz laban naman sa New York Knicks, 108-93.
