SMUGGLERS KAKAPUNIN NG TAMBALANG DOJ-BOC

(JOEL O. AMONGO)

 

ASAHAN ang lingguhang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga sindikato sa likod ng modus na puslit-kontrabando sa pinalakas na kampanya kontra smuggling ng Department of Justice (DOJ) at Bureau of Customs (BOC).

Sa isang pulong, napagkasunduan nina Justice Sec. Crispin Remulla at Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang implementasyon ng mas pinalakas na mandato ng DOJ-BOC Task Force.
Ayon kay Remulla, higit na kailangang tiyaking mananagot sa umiiral na batas ang mga sumasabotahe sa ekonomiya ng bansa, habang tiniyak naman ni Rubio ang mas pinaigting na pagtugis sa mga sindikato at pangangalap ng sapat na ebidensyang gagamitin sa kaso.

Kapwa nanindigan ang dalawang opisyal na hindi sapat na kasuhan lang ang mga bulilyasong importers, kasabay ng giit na dapat tiyaking maipapanalo ang kaso sa husgadong nagbibigay-hatol sa mga akusado.

Para kina Remulla at Rubio, mahabang bakasyon sa piitan ang nararapat sa mga nagdudulot ng perwisyo sa ekonomiya ng bansa.

Bukod sa mga smuggling syndicate, target din ng dalawang opisyales ang ulo ng mga tiwali sa kawanihan.

Bilang pambungad, nakatakdang rebisahin ng DOJ at BOC ang mga nakabinbing kasong isinampa ng Bureau’s Action Team Against Smuggling (BATAS) sa husgado.

Ani Rubio, malaking bentahe sa kampanya ng pamahalaan ang masampolan ang mga smuggler at maging ang mga tiwaling tauhan ng ahensyang pinamumunuan.

Pinag-aralan na rin ang pagdaraos ng BOC-DOJ Legal Summit para sa kolektibong pagbalangkas ng mga angkop na hakbang laban sa mga nanggugulang sa gob­yerno sa pagbabayad ng buwis at taripang kalakip ng mga pumapasok at lumalabas na kargamento.

“We convey our sincere gratitude to Secretary Remulla for his support in ensuring a more aggressive prosecution of cases to serve justice and punish those found guilty of violating national laws,” ani Rubio.

“We will continue to intensify our border protection efforts to safeguard the inte­rests and welfare of Filipinos against smuggled and unsafe goods that pose hazards to our society,” dagdag pa niya.

451

Related posts

Leave a Comment