“PORK barrel ‘yan.” Ito ang tila ipinagmukha ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, sa P28.1 bilyong pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ginawa ni Brosas ang nasabing pahayag sa pagdinig ng House Committee on Appropriation hinggil sa pondo ng DILG sa 2022, kaugnay sa NTF-ELCAC funds na mas malaki kumpara sa P16 billion ngayong 2021.
Ayon kay Año, aabot sa 1,600 barangay ang makikinabang sa P28.1 billion na pondo para sa Barangay Development Program (DBP) sa iba’t ibang panig ng bansa.
Bibigyan umano ng tig-P20 million ang bawat barangay na nalinis sa presensya ng mga komunistang grupo para mapaunlad ang mga ito sa pamamagitan ng proyekto tulad ng maayos na kalsada subalit hindi nakadetalye kung ano-anong mga barangay ang bibigyan ng pondo.
“Nagtataka kami kasi kung walang listahan nito tapos kabilang sa bibigyan ng P20 million each sa ilalim ng BDP, walang breakdown nitong P28.1 billion, lump sum ito. Pork barrel ito,” ani Brosas.
Maging ang mga barangay na nakinabang umano sa P16 billion na pondo ng NTF-ELCAC ay hindi nakapagbigay si Año ng listahan kaya lalong nagdududa ang mambabatas at ikinatuwiran na naisumite na umano nila ito sa Department of Budget and Management (DBM).
“Paano tayo makakatiyak na implementation-ready na ang mga proyekto ng NTF-ELCAC? ‘Yung proyekto ng ibang mambabatas, iniipit dahil daw hindi implementation-ready pero ito meron na kaagad diretso, meron na agad na nag-a-allot itong BDP,” ayon pa sa mambabatas.
Ang NTF-ELCAC, kung saan chairman si Pangulong Rodrigo Duterte, ay binuo para labanan ang insurhensiya at buwagin ang pwersa ng New People’s Army (NPA). (BERNARD TAGUINOD)
