SPEAKER DY ISUSULONG MAS MAAYOS NA OSPITAL, PAARALAN AT TRANSPORTASYON SA ZAMBOANGA SIBUGAY

TINIYAK ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na personal niyang ihaharap kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga pangunahing pangangailangan ng Zamboanga Sibugay, partikular sa pagpapabuti ng mga ospital, paaralan at imprastraktura sa transportasyon.

Sa kanyang talumpati sa LegisHear town hall meeting sa Provincial Capitol Grounds sa Ipil nitong Sabado, sinabi ni Dy na bibigyang-pansin niya ang mga hinaing na inilahad ni Gov. Dulce Ann Hofer at ng mga kinatawan ng lalawigan sa Kongreso.

Ayon kay Dy, isusulong niya sa Pangulo ang pangangailangan ng lalawigan para sa mas maayos na mga ospital at pasilidad pang-edukasyon.

Binigyang-diin niya na mahalagang magkaroon ng maaasahang serbisyong medikal, lalo na para sa mga mahihirap na walang sapat na kakayahang tustusan ang kanilang pagpapagamot.

Hinimok din ng Speaker ang pagtatatag ng state college sa lalawigan upang mabigyan ng mas maraming pagkakataon ang mga kabataan na makapagtapos ng kolehiyo sa kabila ng kakulangan sa pinansyal na kakayahan.

“Hindi dapat maging dahilan ang kawalan ng sapat na pera ng mga magulang upang hindi makapagtapos ang ating mga kabataan. Hindi dapat ganoon,” ani Dy.

Kasabay nito, nagpahayag siya ng suporta sa pagkakaroon ng regular na biyahe ng eroplano patungong Zamboanga Sibugay at pagpapabuti ng mga kalsada upang mapalakas ang koneksiyon ng lalawigan sa iba pang lugar.

Binanggit niya ang magandang kalagayan ng paliparan sa lalawigan at hinikayat si Hofer na makipagtulungan upang magkaroon ito ng regular na flight.

Samantala, kinilala rin ni Dy ang malaking potensiyal ng Zamboanga Sibugay sa agrikultura, partikular sa produksyon ng goma at niyog.

Ayon sa datos na binanggit niya, may tinatayang 80,000 ektarya ng taniman ng goma at 69,000 ektarya ng lupang nakalaan sa produksyon ng niyog sa lalawigan.

Tiniyak niya na patuloy na magsisikap ang Kamara de Representantes na palakasin ang mga batas at programang nangangalaga sa kapakanan ng mga magsasaka.

Ang konsultasyon ay bahagi ng programang LegisHear: Bawat Batas Mahalaga ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Dy, na naglalayong ilapit sa mga lokal na komunidad ang mga konsultasyong pambatas at pangunahing serbisyo ng pamahalaan.

Layunin din nitong direktang marinig ng mga mambabatas ang mga pangangailangan at prayoridad ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng bansa.

241

Related posts

Leave a Comment