SINIRA ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang ₱431.72 milyong halaga ng mga nakumpiskang ilegal na droga at expired medicines sa pamamagitan ng thermal destruction sa Cebu City kamakalawa.
Ayon sa PDEA, umabot sa 41 kilo ng mga kontrabando ang isinailalim sa pagsunog sa Cosmopolitan Funeral Homes Inc., kabilang ang marijuana at iba pang mapanganib na droga na nakumpiska sa iba’t ibang operasyon sa Cebu at mga isinuko mula sa Bohol.
Nakumpiska ang mga ilegal na droga sa mga operasyong isinagawa noong Oktubre at isinailalim sa pagsira matapos maglabas ng kaukulang kautusan ang korte.
Ayon sa ahensya, ito na ang ikalawang pinakamalaking halaga ng mga nakumpiskang droga at kontrabandong sinira nito, kasunod ng naitalang ₱600 milyon noong Hulyo 2017.
Isinagawa ang aktibidad alinsunod sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nagsilbing saksi sa thermal destruction sina PDEA Director General Isagani R. Nerez, PDEA-7 Regional Director Joel Plaza, kinatawan ng pamahalaang panlalawigan ng Cebu na si Kevin Dinsay, at mga kinatawan ng Regional Trial Court.
Ayon pa sa PDEA, mahalaga ang thermal destruction upang matiyak na tuluyang mawawala ang mga nakumpiskang kontrabando at maiwasan ang posibilidad na ma-recycle, mailihis o muling kumalat ang mga ito sa ilegal na paraan.
(JESSE RUIZ)
22 