POLITIKO SA MINDANAO, INUUGNAY SA PAGPATAY SA HUKOM

MASUSING iniimbestigahan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang posibleng pagkakasangkot ng isang prominenteng personalidad sa pulitika sa Mindanao sa pagpatay kay Basilan Regional Trial Court Judge Hon. Joseph Wee Sit.

Ayon kay CIDG Director Police Major Gen. Robert Morico II, sinisiyasat ng kanilang homicide investigators ang umano’y pagpopondo ng naturang politiko sa sasakyang ginamit ng mga suspek sa pagpatay sa hukom.

Sa follow-up investigation, natukoy na umano ng mga awtoridad ang sasakyan, may-ari nito at taong nagpondo sa pagbili nito. Gayunman, tumanggi muna ang CIDG na pangalanan ang personalidad na iniimbestigahan.

Sinusuri rin ng mga imbestigador kung may kaugnayan ang krimen sa mga kasong hinawakan ng hukom na kinasasangkutan ng ilang personalidad sa pulitika, kabilang ang isang vice mayor at iba pang indibidwal na may mga nakabinbing warrant of arrest.

Ayon kay Morico, may ilang personalidad sa pulitika nang pinadalhan ng subpoena upang magbigay-linaw sa insidente bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon upang matukoy ang motibo at iba pang posibleng nasa likod ng pagpatay.

(JESSE RUIZ)

24

Related posts

Leave a Comment