Concepcion, Austriaco: Mga Pinoy natututo nang mamuhay kasama ang Covid

Napansin ni Go Negosyo founder Joey Concepcion na lahat ng senyales ay patungo sa isang bagay: Natututo na ang mga Pilipino na mamuhay kasama ang Covid.

Batay sa datos mula sa National Covid-19 Vaccination Dashboard, halos walang pagkilos ang antas ng pagbabakuna sa nakalipas na buwan, kung saan 18.1 milyong booster vaccination lang ang naibigay sa kabila ng nasa 71.5 milyong katao ang maaari nang makatanggap nito.

“Habang patuloy nating hinihikayat ang ating mga kababayan na magpa-booster, nananatili pa rin ito na isang malaking hamon,” wika ni Concepcion.

Naniniwala naman si OCTA Research fellow Fr. Nicanor Austriaco, OP, na maling ituring ang mababang booster rate bilang senyales ng pagkakampante.

“Mukhang nakausad na ang taumbayan sa bakuna,” wika niya, na idinagdag pa na tinitimbang na ng mga Pilipino kung anong panganib ang mas katanggap-tanggap sa kanila. “Nakikita nila ang tao sa paligid nila na may bahagyang sakit, at mukhang nagdesisyon sila na mas mabigat pang magpa-booster kaysa sa panganib na magkasakit ng mild Omicron COVID-19” dagdag pa niya.

Samantala, napansin din ni Concepcion na ang paggamit ng antigen testing ay nakakadagdag sa underreporting ng mga kaso. “Naniniwala ako na maraming tao ang nahawa ngunit karamihan sa kanila ay hindi na nire-report ang ang kaso dahil mas madalas nang ginagamit ang antigen testing,” sabi niya.

Sinabi niya na maaaring nakakadagdag pa ito sa mababang booster rate dahil ang mga nahawa ay hindi na nag-aabala pang mag-booster. “Ang Omicron ay nagsisilbing booster sa mga nakakakuha nito,” wika ni Austriaco, na idinadgag pa na naniniwala siya na ang natural na impeksiyon ay mas mabuti kaysa sa Omicron booster na pinapamahagi sa Estados Unidos dahil may mahalagang datos na nagpapakita na mas malakas ang natural immunity sa immunity mula sa bakuna. Gayumpaman, idinagdag ni Austriaco na: “Dapat pa rin nating subukang iwasang magkasakit hanggang kaya natin. Kaya magpa-booster na!”

Ang hybrid immunity, o immunity mula sa parehong bakuna at impeksiyon, ay isa sa mga binanggit na dahilan sa mababang bilang ng mga namamatay sa Covid kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon, kung saan umabot sa 2,170 katao ang namatay sa loob lang ng isang linggo. Iniulat ng Covid-19 tracker ng DOH na mayroon lang 108 katao ang namatay mula Agosto 18 hanggang 24, ngunit iginiit nito na hindi pa pinal ang numero dahil baka makaabot ang reporting sa bilang.

Pagdating naman sa pagpapaluwag ng mandato sa pagsusuot ng face mask sa labas, sinabi ni Concepcion na suportado niya ang kahandaan ni Department of Interior and Local Government Secretary. Benhur Abalos na tingnan kung ano ang mangyayari sa desisyon ng Cebu City na alisin ang pagsusuot ng face mask sa labas. “Sa tingin ko, dapat optional ang outdoor masking. Pinapayagan nito ang mga Pilipino na kontrolin ang mga banta,” ani Concepcion.

Tinitingnan ngayon ni Concepcion ang pagpapagaan sa sitwasyon bilang istratehiya, at naniniwala siya na praktikal na pagkilos ang pag-i-stock ng antiviral pills gaya ng Molnupiravir at Paxlovid. “Nagsisimula nang magtipon-tipon ang mga tao, lumalabas, at bumabalik sa kanilang mga normal na aktibidad, at ilan sa kanila ay mahahawa,” aniya.

Sinabi pa ni Concepcion na hindi kaya ng bansa ang mandato sa pagbabakuna dahil ang atensiyon ay nakatuon na sa pagpapasigla ng ekonomiya. “Sa ngayon, ekonomiya ang pinakamalaking prayoridad, lalo ngayong tumataas ang presyo ng bilhin at interest rates, siguradong maaapektuhan ang ating consumers at MSMEs. Hindi dapat humina ang paggastos ng ating mamimili dahil maaapektuhan ang ating GDP,” wika niya.

Sa kabilang banda, sinabi ni Austriaco na dapat magtakda ng deadline para makakuha ng libreng bakuna ang taumbayan, upang magpursigi silang magpa-booster sa lalong madaling panahon.  Kasabay nito, iminungkahi rin ni Austriaco na maaaring panahon na upang alisin ang mandatory na pagsusuot ng mask kapag nasa labas. “Isuot lang ito sa pampublikong transportasyon at health care facilities. Oo, maaaring mauwi ito sa pagkalat ng Omicron ngunit dahil sa desisyon ng maraming Pilipino na huwag magpa-booster, mas maigi nang hayaang mahawa ng Omicron ang mga tao na bumababa na ang immunity paara mapalakas ang population immunity sa halip na harapin ang mas mapanganib na variant sa susunod na anim na buwan na maaaring mauwi sa pagkamatay ng maraming tao,” wika niya.

Iginiit naman ni Concepcion na ang iba pang istratehiya ay nakabatay kung itutuloy o hindi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang plano na palawigin ang State of Public Health Emergency hanggang katapusan ng 2022. “Makakaapekto ito kung paano bibilhin ang mga bagong bakuna. Kung makakakuha ang manufacturers ng Certificates of Product Registration para sa kanilang bakuna at ibenta ang mga ito sa drug stores o kung magpapatuloy tayo sa Emergency Use Authorization, lajat ito ay dapat maging klaro kapag nagpasya na ang Pangulo,” ani Concepcion.

144

Related posts

Leave a Comment