(Ni JG Tumbado)
Karaniwan sa mga paglalaro ng mga batang lalaki na pag-usapan kung ano ang kanilang gusto sa paglaki. Maririnig mo si Isko na nagsabing nais niyang maging pulis tulad ng kanyang tatay habang si Oca naman, pangarap na maging sundalo sa tamang edad.
Sa kabila ng mga kontrobersya na naipupukol sa Philippine National Police (PNP), mataas pa rin ang tiwala at respeto sa mga tinaguriang unipormadong indibidwal sa bansa. Sapagkat ang bigat ng mandato at tungkulin ng PNP na panatilihing ligtas ang lawak ng nasasakop na teritoryo ng bansa ay hindi matatawaran.
GUSTO MO BANG MAGPULIS?
Ang mga miyembro ng PNP ay inaatasan ng Konstitusyon na protektahan ang lahat ng indibidwal sa buong bansa, sa sibilyang pamamaraan. Bagama’t mahigpit ang pagsasanay at pagdidisiplina, hindi dapat maging katulad ng militar ang mga hakbang ng PNP sa pagtugon sa mga indibidwal.
Ang isang opisyal ng PNP ay nakatatanggap ng mga naaangkop na benepisyo, kompensasyon at ang buwanang pensyon kapag retirado na sa serbisyo. Ang sahod ng kasalukuyang pulis ay malaki, sapat at ang seguridad ay mas malakas kumpara sa mga kawani ng isang pribadong kompanya.
Paano ba maging isang pulis at anu-ano ang kailangang requirements para makapasok ang isang nagnanais na maging bahagi ng organisasyon?
Upang maging ganap na isang pulis, kinakailangang makumpleto ang mga ‘criteria’ o batayan, requirements at isasalang sa pag-apruba ng National Police Commission (Napolcom).
Ang mga nakapagtapos ng kolehiyo o unibersidad na may bachelor’s degree ay kinakailangang kumuha ng PNP Entrance Exam. Sakaling makapasa, awtomatiko na ang makukuhang ranggong Patrolman (Police Officer 1), alinsunod sa Saligang Batas (Section 30 ng RA 6975, as amended by RA 8551).
Narito ang mga sumusunod na requirements para sa entrance exam:
- Kailangan ay isang Filipino citizen;
- May edad na hindi bababa sa 21 taon pero hindi hihigit sa 30 taon;
- May taas na 1.62 metro (para sa lalaki) at 1.57 metro (para sa babae);
- Kung miyembro ng indigenous community, may taas na 1.52 metro (para sa lalaki) at 1.45 metro (para sa babae); at
- May bachelor’s degree.
Para naman sa mga nakapagtapos ng Philippine National Police Academy (PNPA), nararapat na maipasa ang qualifying exam at training upang maging isang police official na may ranggong lieutenant o tinyente.
Sakaling makapasa sa pagsusulit, maaaring mag-apply para sa posisyon sa Napolcom. Ang appointment at recruitment requirements para maging isang police officer ay ang mga sumusunod:
- Kailangan ay isang Filipino citizen;
- May edad na hindi hihigit sa 30 taon;
- May taas na 1.62 metro (para sa lalaki) at 1.57 metro (para sa babae);
- Kung miyembro ng indigenous community, may taas na 1.52 metro (para sa lalaki) at 1.45 metro (para sa babae);
- May bachelor’s degree;
- May good moral character;
- Nakapasa sa physical, mental at health examinations sa anomang ospital na accredited ng Napolcom; at
- Matatawag na eligible alinsunod sa Eligibility Standards na itinakda ng PNP.
Ang bawat PNPA cadet ay may monthly pay at allowances na mahigit P14,000 hanggang P29,000.
Sa kabila ng magagandang benepisyo at allowances nito ay kinakailangan ding sanayin at isailalim ang lahat ng kadete sa matinding physical training sa loob ng labing-anim na linggo.
Kabilang sa kanilang pagsasanay ay ang basic military and jungle warfare, weapons training, military tactics-techniques-procedures, combat standard operation procedure, intelligence, civil-military operations at lectures sa pagbibigay importansya at respeto sa human rights, international humanitarian law, rule of law at ang kahalagahan ng honor code.
SPECIAL ACTION FORCE
Bagama’t sinasabing civilian in nature ang PNP, mayroon din itong counterpart ng AFP, ito ay ang elite force na Special Action Force (SAF) o ang yunit sa pambansang pulisya kontra terorismo at iba pang mabibigat na banta sa seguridad ng bansa.
Ang mga pulis na nais maging SAF officers ay kailangang matugunan muna ang general requirements at documentary requirements ng isang Patrolman bago sumailalim sa anim na buwang basic public safety course sa National Police Training Institute sa Laguna. Mula rito ay tutulak na sa field training ang mga pulis para sa panibagong anim na buwan na pagsasanay.
Ang field training program ng SAF ay maihahalintulad sa on-the-job training program para sa lahat ng baguhang pulis. Ipakakalat sila sa mga istasyon para maramdaman ang trabaho ng pulis mula sa pag-iimbestiga at intelligence work, pangangasiwa ng trapiko at pagpapatrulya. Susundan na ito ng commando course na tumatagal ng anim na buwan hanggang dalawang taon.
1489