HALOS umabot na sa P10 Trilyon ang panukalang badyet na isinumite ng mga ahensya ng pamahalaan para sa state expenditure plan para sa taong 2026.
Inaasahan din na lolobo ito hanggang sa P11 trillion —halos P2 trillion na higit sa P9 trillion na isinumite na national budget ngayong taon.
Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ang budget submissions ng mga ahensya ng pamahalaan ay nananatiling “almost P10 [trillion] to date.”
Gayunman, sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Goddess Libiran na base sa Budget Preparation and Execution Group, ang tantiya nito na kabuuan ng isusumiteng budget ay tatama sa P11 trillion.
“But that’s still an estimate since we’re in the process of consolidating all [budget] requests,” ang sinabi ni Libiran.
Dahil sa limitadong fiscal space, sinabi ni Pangandaman na maingat na pag-aaralan ng DBM ang panukalang budget na isinumite ng mga ahensya.
Base sa 2022-2028 Medium Term Fiscal Framework, ang state expenditure plan para sa 2026 ay tinatayang P6.793 trillion.
Matatandaang, noong nakaraang taon, natanggap ng DBM ang P9.2 trillion na halaga ng budget proposals, subalit ang inaprubahan lamang ay P6.352 trillion bilang National Expenditure Program (NEP) na naging 2025 General Appropriations Act.
Sa ulat, ‘As early as December 27, 2024’, ang nanawagan ang Budget Department sa lahat ng departamento ng gobyerno at maging sa mga ahensiya na maghanda para sa kanilang budget proposals para sa Fiscal Year 2026.
Samantala, sinabi ni Pangandaman na ang NEP o panukalang national budget para sa susunod na taon ay isusumite sa Kongreso “hopefully two weeks after SONA (State of the Nation Address).”
Nakatakda sa July 28, 2025 ang 4th SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kanyang annual address sa banay sa isang joint session ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado.
Sa ilalim ng Saligang Batas, ang panukalang national budget para sa susunod na taon ay isusumite sa Kongreso “no later than 30 days” matapos ang SONA.
(CHRISTIAN DALE)
