HINDI humuhupa ang ingay laban sa umano’y nangyaring dayaan sa katatapos na midterm election na tahasang panloloko sa mamamayang Pilipino at pangungutya sa demokrasya.
Bagama’t nanalo ng isang upuan sa Kamara, hindi matanggap ni ACT Teacher party-list Rep. France Castro ang aniya’y sistematikong dayaan at manipulasyon sa nakaraang eleksyon lalo na’t naitsapuwera aniya ang mga tunay na dehadong marginalized sector.
“What we witnessed in the recent elections was a mockery of democracy. The party-list system, originally designed to give voice to the marginalized, has been thoroughly corrupted by political dynasties and big business interests who used government resources and programs to buy votes and manipulate results,” ani Castro.
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na bukod sa district congressmen ay namudmod din ng mga ayuda tulad ng TUPAD, AKAP at AICS ang mga party-list group na malakas sa administrasyon.
Itinuturing ni Castro na isa itong uri ng vote buying at katiwalian ng mga party-list group para matiyak ang kanilang kapit sa Kongreso kaya ang mga sektor na nasa laylayan ng lipunan o tinatawag na marginalized sector ay naitsapwera sa nakaraang eleksyon.
“Ang nangyari sa nakaraang halalan ay tahasang panloloko sa mamamayang Pilipino. Dinehado nila nang todo ang mga progresibong party-list sa pamamagitan ng red-tagging, harassment, at paggamit ng makinarya ng gobyerno para pigilan ang tunay na representasyon ng mga marginalized sectors,” pagdidiin ni Castro.
Sinabi naman in in-coming ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio na lalong nawalan ng boses ang mga marginalized sector dahil sa mga iregularidad sa makinang ginagamit ng Commission on Elections (Comelec) na Miru.
Bukod aniya sa machine error at technical glitches ay nawalan ng boses ang mga nasa laylayan ng lipunan dahil inagaw ng mga elitista ang upuan na inilaan ng Saligang Batas para sa sektor na ito sa Kongreso.
“Ang sistemang elektoral ay ginawang kasangkapan ng mga nasa poder upang panatilihin ang kanilang kapangyarihan at pigilan ang tunay na pagbabago. Subalit hindi nila maaaring pigilin ang tinig ng mamamayan na nagnanais ng tunay na representasyon,” ayon pa kay Tinio.
Sa tatlong miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara, tanging ang ACT Teacher at Kabataan party-list ang nakapasok habang nawalan ng upuan ang Gabriela party-list at nabigo sa ikalawang pagkakataon ang Bayan Muna na makabalik sa Kongreso kaya inaasahang aalisin na ang mga ito sa listahan ng mga party-list group.
(BERNARD TAGUINOD)
