PUNA JOEL O. AMONGO
ISANG kilalang government-owned and controlled corporation (GOCC) ang umano’y tahimik na bumili ng halos “majority” ng preferred shares “D” ng isang malaking construction at engineering firm. Magkano ang halaga? Walang kapantay, P5 bilyong piso!
Pero teka, may kakaiba. Ang kumpanyang ito, na binilhan ng GOCC, ay iniulat na may negative PE ratio nang maglabas ito ng 60 milyon preferred shares sa publiko kamakailan na may kabuuang halaga na 6 bilyong piso. Aba, kung ganito ang estado ng kumpanya, bakit biglang ganado ang GOCC?
Lumalakas ang bulung-bulungan na maaaring may nagaganap na “insider trading”. Lalo’t sinabi mismo ng kumpanyang napagbilhan na ang nalikom mula sa preferred shares ay gagamitin umano sa mga proyekto sa larangan ng real estate.
Ang tanong ng bayan: May kasunduan at kinalaman ba ang GOCC sa paglalabas ng shares na ito? Ito ba ay niluto ng parehong kumpanya?
Ano ang kasunduan ng mga pamunuan ng bawa’t isa na involved sa transaksyon na ito? Bakit nagkakahalaga ng P5 bilyon at na-invest sa tinatayang P6 bilyon na halaga ng pagbenta ang binili ni GOCC?
At bakit tila wala itong pakialam sa kasalukuyang financial indicators ng kumpanyang pinaglaanan? May kinalaman rin ba ang transaksyon ito sa pulitika sa loob ng GOCC na ito kung saan biglang may palitan sa loob ng Board ng GOCC na ito na diumano’y nilakad ng isang kumpanyang ito?
Kung anoman ang GOCC na ito, isa lang ang malinaw—iniibig nito ang EEI. At marahil, higit pa sa nararapat.
Ang mga ganitong klaseng transaksyon ay hindi dapat palagpasin dahil ang GOCC ay pagmamay-ari ng gobyerno at ang ginagamit na pera rito ay galing sa buwis ng mamamayan.
Kinakailangang maimbestigahan ito at kung kinakailangan na kasuhan ang mga nasa likod nito ay kasuhan at nang hindi na pamarisan pa ng iba.
Subaybayan natin ang aktibidad ng GOCC at ng EEI at kapag nakita natin na mayroong hindi kanais-nais na kasunduan sa pagitan ng dalawa na ang dehado ay ang taumbayan, hindi tayo magdadalawang isip na muling isulat ang isyung ito.
Hindi pupuwede na ang kanilang transaksyon ay sikreto dahil ang pondong ginagamit ng GOCC ay nagmula sa mga Pilipino, hindi pribado ang GOCC kaya dapat lang nalalaman ng mga Pilipino kung saan napupunta ang pera rito.
Baka bukas o makalawa sa paggising natin ang GOCC na ito ay bangkarote na at hindi natin alam kung saan napunta ang pondo nito.
Abangan ang susunod na kabanata.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com
