RAPIDO ni PATRICK TULFO
KUNG hindi pa may nagsabi, hindi ko po malalaman na natalo pala ang OFW party-list ni Cong. Marissa Del Mar-Magsino nitong nakaraang halalan.
Ayon sa resulta, nasa ika-59 na pwesto ang OFW party-list ni Del Mar sa 155 party-lists na tumakbo ngayong halalan.
Hindi na masama kung tutuusin pero kinapos pa rin para muling makaupo sa darating na pagbubukas ng Kongreso sa Hulyo.
Kung binigyan lang sana ng pansin ng OFW party-list ang problema ng mga abandonadong balikbayan boxes ng mga OFW ay baka nanalong muli ito.
Ilang beses ko na pong tinuligsa ang partidong itong sa aking panulat at sa aking programa sa DZME 1530khz, na may kapareho ring titulo, na magpatawag sana ng imbestigasyon at magpasa ng batas para masolusyonan ang problema.
Nagkaroon naman ng pagdinig sa Kamara ukol sa isyu pero mukhang huli na ang lahat kung pagbabasehan ang resulta ng halalan.
Sana noon pa mang 2022, kung kailan nagsimula ang problema ng mga inaabandonang balikbayan boxes sa Bureau of Customs, ay kumilos na ito.
Hindi naging sapat ang ginawa nilang pakikipag-ugnayan sa Customs para masolusyunan ang problema. Ang ginawa kasi ng OFW party-list ay ibinato lamang sa BOC ang mga reklamong natatanggap nila mula sa mga OFW.
Bago pa man kami nakialam sa isyu ng mga abandonadong balikbayan boxes sa BOC ay nangyayari na ito, ayon sa dating collector ng Manila International Container Port Romeo Rosales.
Pero naide-deliver pa rin ang mga kahon sa mga may-ari dahil sa tulong ng DDCAP (Door-to-Door Consolidators Association of the Phils.) dahil mangilan-ngilan lang naman ang containers.
Pero ayon na rin kay Collector Rosales, mula sa normal na tatlo hanggang anim na containers na inaabandona ay nagtriple ang bilang nito.
Bago ang Tag Cargo mula sa Kuwait, na may mayroong 25 na containers na nakatengga pa rin sa Customs, ang Allwin cargo mula UAE, ang may record na pinakamaraming containers na inabandona na umabot sa bilang na 18.
