BULLDOGS IBINAON NG RED WARRIORS

(NI JOSEPH BONIFACIO)

TINAPOS ng University of the East (UE) Red Warriors ang first round na may bitbit na magandang baon para sa next round.

Ito ay matapos ibaon pa sa ilalim ng standings ang National University Bulldogs, 78-72 kahapon sa UAAP Season 82 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.

Hindi nagpaawat si Alex Diakhite, na 10-of-13 sa field tungo sa kanyang 22 points, na may kasama pang 13 rebounds, three steals, three blocks at two assists, bagamat mayroon siyang siyam na error sa ikalawang panalo lang ng UE sa season.

“Siguro medyo pinalad lang kami ngayong araw. ‘Yung mga players, their resolve was able to carry us today. We knew that if we should lose today, medyo magiging very almost impossible na makakabalik kami. So good thing, we were able to pull through,” lahad ni UE active consultant Lawrence Chongson matapos ang laro.

Nabigo ang Bulldogs na masundan ang panalo kontra Far Eastern University Tamaraws noong Miyerkoles, para malaglag sa 1-6 win-loss card.

Nagdagdag si Philip Manalang ng 13 points at seven assists, habang may 12 points, seven rebounds at six assists naman si Rey Suerte para sa UE.

Pinigil ng Red Warriors ang paulit ulit na paghahabol ng Bulldogs, at nagawang mailista ang 10-point lead, 57-47 papunta sa fourth period, matapos ang 12-2 run.

Napanatili ng UE ang double-digit lead sa unang bahagi ng fourth quarter, 69-59 sa pangunguna ni Diakhite.

Nagkasunod-sunod ang error ng UE, dahilan para makapagposte ang NU ng 9-0 blast at nagawa pang maibaba sa isang puntos na lang ang abante ng Red Warriors, 69-68, 3:26 pa sa laro.

Pero, hindi nag-alala ang Red Warriors, dahil matapos ang paghahabol ng NU, bumawi ang UE nang pasahan ni Manalang si Neil Tolentino para sa easy bucket, bago nagdagdag si Diakhite ng lay-up tungo sa 73-68 count.

Muling nagbanta ang Bulldogs nang maibaba sa tatlo ang kalamangan ng UE, 75-72 mula sa basket ni Issa Gaye, subalit natawagan si Dave Ildefonso ng ‘unsportsmanlike foul’ sa huling 46 segundo, na nagbigay kay Nick Abanto ng dalawang free throws at extra possession para sa Red Warriors.

Si Suerte ang tumapos sa laro sa pamamagitan ng kanyang dalawang free throws at ibigay sa UE ang 2-5 card.

Ang iskor:

UE 78 – Diakhite 22, Manalang 13, Suerte 12, Tolentino 12, Abanto 8, Antiporda 6, Cruz 5, Apacible 0, Lorenzana 0, Pagsanjan 0

NU 72 – Yu 17, Ildefonso S 11, Gallego 8, Oczon 8, Clemente 6, Ildefonso D 6, Joson 5, Malonzo 5, Gaye 4, Tibayan 2, Galinato 0, Mangayao 0, Minerva 0, Mosqueda 0

QUARTER SCORES: 18-12, 37-32, 57-47, 78-72.

 

158

Related posts

Leave a Comment