(NI EDDIE G. ALINEA/PHOTO BY MJ ROMERO)
NAGING makasaysayan para sa Pilipinas ang basketball sweep ng men’s at women’s team nito sa katatapos na 30th Southeast Asian Games.
Lahat ng isinabak na team ng Samahang Basketbol ng Pilipinas para sa men’s at women’s team sa 3×3 at 5×5 basketball ay pawang naguwi ng gintong medalya sa apat na events.
Ngunit ang pinakamatinding rebelasyon ay ang all-amateur women’s squad, na matapos ang halos apat na dekada, at anim na silver at limang bronze medals, ay nanalo na rin ng ginto makaraang tambakan ng 20 ang liyamadong Thailand, 91-71, sa kanilang final matchup.
Tinapatan naman ito ng kanilang men’s counterparts Gilas, na nilampaso ang nakalabang Thailand, 115-81, para sa ika-13th sunod na ginto at 18th overall simula noong 1977.
Winalis ng Filipinas ang lahat ng kanilang nakalaban– Indonesia, Malaysia, at panghuli ang Thais sa winner-take-all title showdown.
Bago ito, puro fourth-place finishes lang ang mga Pinay noong 2015 at 2017. Naka-silver naman ang Filipinas noong 1981, 1983, 1995, 2011 at 2013; at bronze noong 1987, 1993, 2001, 2003 at 2007 SEA Games.
Kaya naman umaasa ang Filipinas na makukuha na nila ngayon ang respeto at rekognisyon gaya ng kanilang men’s counterparts.
“Now, I hope we get noticed. It’s been a long time, we’ve been doing this since 2015, and now the gold is with us,” ani head coach Patrick. “I’m just so happy. I’m happy not just for the girls only but for the whole country and the women’s side.”
Naka-ginto rin ang national women’s 3×3 team nina Afril Bernardino, Jack Danielle Amimam Janine Pontejos at Clare Castro, kaya’t naka-tig dalawang gintong medalya sila.
Para naman sa All-PBA squad ni coach Tim Cone, naging “walk in the park” na lang ang pagdurog nila sa nakalaban sa finals na Thais.
Ito ang unang pagkakataon na nag-all-pro na may American coach pa ang Pilipinas sa SEA Games.
Laging amateur players ang isinasabak ng bansa simula nang sumali ito sa biennial meet noong 1977, at lagi tayong nananalo kaya’t kinokonsidera ang Pilipinas na “basketball capital” sa Timog-Silangang rehiyon.
Isang beses lang hindi nagkampeon ang mga Filipino at ito’y noong 1989 nang ma-dethroned ang bansa ng Malaysia.
Hindi naman nilaro ang basketball noong 1995 Games sa bansa dahil sa suspensyon mula sa international ruling body FIBA, dahil sa tug-of-war sa leadership sa pagitan ng defunct Basketball Association of the Philippines at Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Simula 1977, anim na magkakasunod na beses na naghari ang mga Filipino sa basketball hanggang 1987. Muling nabawi natin ang korona noong 1991, at simula noon ay hindi na muling binitawan ito.
Ang PH’s 3×3 men’s squad nina Chris Newsome, Jayson Perkins, CJ Perez at Mo Tautuaa ay naka-gold din sa nasabing event.
225