(NI VT ROMANO)
SAPAT na ang P100 milyon na pondong ilalaan ng Philippine Sports Commission (PSC) para maging inspirado ang Pinoy athletes sa kanilang training at lalahukang Olympic qualifying tournaments (OQT).
Umaasa si PSC chairman William Ramirez na magsusumikap ang mga atleta para makahablot ng mas maraming tiket sa 2020 Tokyo Olympics.
Katunayan, nakalinya na ang mga qualifying tournament na lalahukan ng mga national athlete.
Sisimulan ito ni 2016 Rio Olympics weightlifting silver medalist Hidilyn Diaz, kasama sina Nestor Colonia, Kristel McCrohon at Elreen Ando, na pawang sasabak sa 2020 World Cup sa Enero 27-31 sa Rome.
Susundan ito ng paglahok ni Diaz sa 2020 Asian Weightlifting Championships sa Nur-Sultan, Kazakhstan sa Abril 20-25, kasama rin sina Maryflor Diaz, John Ceniza at Jeffrey Garcia.
Habang sa Pebrero 12-13 naman ay sasalang ang mga trackster, sa pangunguna ni 30th SEA Games 200-m gold medal winner Kristina Knott, sa Asian Athletics Indoor Championships sa Hangzhou, China.
Makakasama ni Knott sa China sina pole vaulter Natalie Uy at Cristine Hallasgo (marathon).
Tatangkain din nina skateboarders Margielyn Didal at Kiko Francisco na maiangat pa ang kanilang rankings para makakuha ng puwesto sa limang pro tour events simula sa World Skate Lima Open sa March 16-22, gayundin sa WS World Championships sa London sa Mayo 19-24.
Ang Pilipinas ay may dalawa nang pambato sa Olympic Games, sina pole vaulter EJ Obiena at gymnast Carlos Yulo.
Si Obiena ang unang Filipino na nakakuha ng unang silya para sa Summer Games na nakatakda sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9, at sinundan ni Yulo nang magwagi ito sa World Championship.
199