SPURS ‘KINALABAW’ NI LEBRON

Ni VT ROMANO

NAGTALA si LeBron James ng season-high 39 points, may 11 rebounds, three assists, steal at block sa 143-138 win ng Los Angeles Lakers kontra host San Antonio Spurs, Sabado ng gabi (Linggo sa Manila).

Natablahan din ni James ang career high seven 3-pointers. Tumapos na may 11-of-21 sa field. At seven-of-12 shots (from deep).

Kailangang-kailangan ng Purple and Gold squad ang performance mula kay James, dahil wala si Anthony Davis sanhi ng calf injury.

Back-to-back win ito ng Lakers sa San Antonio, matapos ang 105-94 nang sinundang gabi.

Habang ikawalong sunod na talo naman ng Spurs, tabla para sa fourth-longest skid ng franchise history.

Naging maayos din ang suporta kay James ng mga kasamang sina Russell Westbrook, Dennis Schröder, Lonnie Walker IV, Austin Reaves at Wenyen Gabriel, pawang nagtala ng double-digits score.

Napatalsik sa laro si San Antonio Spurs forward Zach Collins matapos ang hard foul sa ulo ni Westbrook.

Patapos na ang third quarter, binlock ni Collins si Westbrook sa ilalim ng rim, masyadong malakas ang pagkakahampas niya at tumama ang siko,bagsak si Westbrook at agad tumayo para komprontahin si Collins.

Pero, bago pa tuluyang makalapit si Westbrook kay Collins, nahawakan siya ni James.

Si James din ang naglagay ng pamunas sa dugong umaagos mula sa noo ni Westbrook, habang patungo sa bench ng Lakers.

Matapos irebyu ng mga opisyal ang nasabing play, si Collins ay tinawagan ng flagrant 2 foul at ejection.

Makaraang mai-shoot ni Westbrook ang technical free throws, dumeretso ito sa locker room para magamot ang putok sa kanyang noo.

Hindi naman kinailangang gamutin ang sugat ni Westbrook at nakabalik ito sa laro, kung saan may ambag siyang 11 points, eight rebounds at six assists.

Bago na-eject, si Collins ay may 12 points at eight rebounds off the bench.

Nagsumite si Dennis Schroder ng 21 points at six assists para sa Los Angeles. Habang si former spurs guard Lonnie Walker IV, 19 points, kasama ang 13 sa fourth quarter, tungo sa ikalimang panalo ng Lakers (7-12) sa six games.

Sa panig ng San Antonio, may 26 points at 10 rebounds si Keldon Johnson, habang nagdagdag si Tre Jones ng 23 points at 13 assists at 19 points mula kay Devin Vassell.

ROCKETS
PUMUTOK vs OKC

PINASABOG ng host Houston Rockets ang Oklahoma City Thunder, 118-105, Sabado ng gabi (Linggo sa Manila).

Naglista si Jalen Green ng 28 points at career-high nine assists. Habang si Alperen Sengun ­nagdagdag ng 21 points, career-best 18 rebounds at seven assists.

Itinala ni rookie Jabari Smith, Jr., ang kanyang third double-double, 15 points at 13 rebounds para sa Rockets, wagi ng back-to-back games, first time sapul nang talunin ang Portland noong Marso 25-26.

Si Smith, 12th player 19 years old (or younger) nagawang makapagtala ng tatlong double-doubles sa kanyang unang 18 games.

Nai-record din ni Smith ang 100th career defensive rebounds sa first quarter ng laro.

Top scorer naman si Shai Gilgeous-Alexander, 32 points para sa thunder. Iniskor niya ang 13 ng first 22 points ng Oklahoma City at nagtala ng 30 or more sa apat sunod na laro.

Nag-ambag si Josh Giddey ng 18 points at si Jalen Williams ng 11 sa Thunder, ikaapat na talo sa limang laro.

Matapos ma-miss ang laro noong Biyernes laban sa Atlanta Hawks, nagbalik sina Eric Gordon at sengun sa starting lineup at agad nagpakitang-gilas sa Houston.

May seven points si Sengun sa first quarter, bago bumato si Gordon ng 3-pointer sa huling 2.8 seconds para sa 23-22 lead.

May total 15 points si Gordon at 4-of-6 sa 3s.

Nagtala ang Houston ng 7-of-11 (63.6%) sa likod ng arko sa second quarter at na-outscore ang Oklahoma City, 42-22 tungo sa biggest lead sa season at ginawang 65-44 sa halftime.

Tinapos ng Rockets ang first half may shooting na 11-of-19 (57.9%) sa 3-point range at 18-of-36 (50%) sa field.

Ang five starters ng Rockets may double digits score, kung saan si Kevin Porter Jr., 16 points.

JAZZ SILAW
SA SUNS

MAY season-high si Deandre Ayton, 29 points at 21 rebounds, habang si Devin Booker, 27 points nang maitakbo ng host Phoenix Suns ang 113-112 win kontra Utah Jazz, Sabado ng gabi (Linggo sa Manila).

Angat ang Jazz, 81-78 matapos ang three quarters, hinabol ng Suns at naagaw ang driver’s seat, 99-93 sa kalagitnaan ng fourth.

Nanatiling dikit ang laro hanggang sa final minutes, pero hindi nawawala sa Phoenix ang ­kalamangan.

Maliban sa scoring at ­rebounding ni Ayton, mayroon din siyang crucial steal na nakatulong para pigilin ang rally ng Jazz.

Nahablot ni Ayton ang kanyang 21st rebound sa final possession, mula sa missed 3-pointer ni Booker, at binigo ang Jazz sa final possession.

Ikalawang gabi ni Ayton nakapagtala ng season high. Mayroon siyang 28 points kontra Pistons sa 108-102 win noong Biyernes.

Nahirapan si Booker sa kanyang shooting, mayroon lamang 8-of-27.

Ang Utah ay isa sa NBA’s surprise teams sa unang linggo ng season, nagsimula sa 10-3 record. Ngunit, 3-7 na mula roon.

May 11-1 record at home ang Suns ngayong season at nakakaapat sunod nang panalo.

Si Jordan Clarkson ang top scorer sa Jazz, 22 points. ­Nagdagdag si Collin Sexton ng 20, habang si Lauri Markkanen, 15 points at 10 rebounds.

Abante pa ang Jazz, 54-51 sa halftime, sa pangunguna ni Clarkson, 12 points habang si Ayton may 11 at seven rebounds.

‘LUKA MAGIC’
SABLAY SA RAPTORS

LAGAPAK na naman ang Dallas Mavericks. Sa pagkakataong ito, laban sa isa na namang undermanned team, ang Toronto Raptors, 105-100, Sabado ng gabi (Linggo sa Manila).

Ang Raptors ay lumarong wala sa lineup sina Scottie Barnes at Pascal Siakam.

Sina O.G. Anunoby at Fred VanVleet ang nanguna para sa Raptors, tig-26 puntos.

Habang maituturing na game-changer si Chris Boucher para sa Raptors, nag-ambag ng 22 points at 13 rebounds.

May 24 puntos naman si Luka Doncic para sa Mavericks.

Mainit na sinimulan ni Spencer Dinwiddie ang laro, ngunit dahil sa foul trouble nakaapekto ito sa kanyang laro at naupo sa 3rd quarter na may four fouls.

Binugbog ng Toronto ang Dallas sa board, nang makahablot ng 17 offensive rebounds, tungo sa 25 second chance points para sa Raptors. At iyon na ang naging deciding factor sa laro.

Sa unang tatlong minute, ang Raptors ay may four ­turnover, nagbigay-daan sa 7-0 run ng ­Mavericks.

Sa 6:45 mark, angat ang Dallas sa Raptors, 15-4 sa likod ng nine points ni Dinwiddie at six points mula kay Dwight Powell.

Hindi nakaiskor si Doncic hanggang sumapit ang 5:52 mark.

Lumobo pa ang lamang ng Dallas sa 15 points.

Off the bench, pumasok si Boucher, kumuha ng 10 points at 10 rebounds, nagresulta sa 17-7 Raptors run.

Lamang pa ang Dallas, 29-24 sa pagsasara ng first.

Wala rin sa lineup ng Toronto sina Precious Achiuwa at Otto Porter, Jr.

“We just gotta stay together,” lahad ni Mavericks head coach Jason Kidd. “The group in that locker room—they all play hard; they all want to play. You’re not guaranteed wins; you’ve got to play to get wins. So, we’ve got to stay together.”

Ang Toronto ang pinakahuling depleted roster na tumalo sa Dallas.

Yuko rin ang Mavericks sa Denver Nuggets kahit wala sina Nikola Jokic, Jamal Murray at Aaron Gordon; gayundin sa ­Washington ­Wizards absent sina Bradley Beal at Kristaps ­Porzingis; maging sa Orlando Magic na hindi nakalaro ­rookie top draft pick Paolo ­Banchero at sa New Orleans Pelicans nang absent sina Brandon ­Ingram at Zion Williamson.

39

Related posts

Leave a Comment