INUUSISA ng Quezon City Cares (QC Cares) at Globaltech Mobile Online Corporation kung naaayon sa batas ng naganap na diumano’y huwad na public bidding ng STL sa lungsod ng Quezon.
Batay sa isiniwalat ng isang confidential informant, ang kompanya na Lucent Gaming and Entertainment ang siyang idineklarang nanalo sa bidding sa kabila ng katotohanang wala itong sapat na pondo at kakayanan upang patakbuhin ang nasabing STL.
Ayon pa sa karagdagang ulat na nakalap, isang diumano’y Ronald Pagulayan ang tunay na nagmamay-ari ng Lucent Gaming and Entertainment ay ‘One Person Corporation’ (OPC) na napapabalitang malapit na kamag-anak ni PCSO General Manager Royina Garma kung kaya’t matagumpay nitong nailusot ang nasabing ilegalidad.
Bukod dito ay napag-alaman ding isang negosyante ang sumustento sa daily remittance ng nasabing operasyon mula Oktubre 2021 hanggang Pebrero 2022 sa kadahilanang walang tunay na kakayanan si Pagulayan na bayaran ang mga obligasyon niya sa gobyerno.
Nabatid ding isang nagngangalang Procifena ang nagbayad ng cash bond ng Lucent Gaming at nakipagkasundo kay Pagulayan sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement upang mailipat sa kamay ni Procefina ang aktwal na pangangasiwa ng umano’y iligal na operasyon.
Mariing kinokondena ng QC Cares ang nasabing gawain sapagkat ito ay maituturing na subcontracting na labag sa tuntuning nakasaad sa Revised Implementing Rules and Regulations (RIRR) ng PCSO, kung kaya’t iminumungkahi nito ang pagpapawalang saysay sa pahintulot at awtoridad na iginawad sa nasabing operator.
Pinagtatakhan din ng Globaltech ang panliligalig ng National Bureau of Investigation sa isinagawa nitong mga aplikasyon sa korte para sa pag-iisyu ng search warrants laban sa Peryahan ng Bayan habang ito ay nasa proseso pa lamang ng arbitration.
Gayundin ang pagkabahala ng QC Cares sa operasyon ng STL sa lungsod sapagkat ito ay nagiging pangunahing kasangkapan para palaganapin ang ilegal na pagsusugal sa Quezon City sa kabila ng mas pinaigting na kampanya ng QCPD sa ilalim ng pamumuno ni QCPD Director, PBGen Remus B Medina.
268