SUNDALO PATAY SA ENGKWENTRO

PATAY ang isang sundalo habang sugatan ang isa pa sa sunud-sunod na engkwentro laban sa mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Santo Niño, Tanjay City kamakalawa.

Tinukoy ni Brig. Gen. Jason Jumawan, commander ng 302nd Infantry Brigade ng Philippine Army, na ang nasawi ay isang corporal mula sa 11th Infantry Battalion na nakabase sa Tapaz, Capiz.

Ayon kay Jumawan, nagsasagawa ng combat patrol operation ang mga sundalo matapos makatanggap ng sumbong mula sa mga residente hinggil sa presensya ng armadong grupo na umano’y nang-aabuso at nagsasagawa ng propaganda sa lugar.

Bandang alas-5:35 ng umaga nang sumiklab ang unang putukan, na sinundan pa ng tatlong magkakasunod na sagupaan hanggang alas-7:14 ng umaga.

Sa putukan dakong alas-7:00 ng umaga, nasawi ang corporal habang nasugatan ang kanyang kasamang Private First Class matapos tamaan ng mga bato at hindi ng bala.

“There’s no need for them to evacuate. We made sure the firefight does not happen in a populated area to prevent civilians from danger,” ani Jumawan.

Dagdag pa niya, tinatayang apat na natitirang miyembro ng Southeast Front ang nasa lugar at pinalalakas umano ng Southwest Front mula sa Negros Occidental, na iniuugnay sa ilang insidente ng pagpatay sa mga sibilyan, kabilang ang 74-anyos na lola sa Kabankalan City.

(JESSE RUIZ)

3

Related posts

Leave a Comment