SUSPEK SA PAGPATAY SA MAG-ASAWANG AUSSIE, SUMUKO

KUSANG-LOOB na sumuko sa kanilang mayor at barangay captain sa Tuy, Batangas ang suspek sa pagpatay sa mag-asawang Australian na sina David Fisk at Lucita Cortez, at sa manugang ni Lucita na si Mary Jane Adra Cortez, na natagpuan ang mga bangkay sa Lake Hotel sa Tagaytay City noong Hulyo 24.

Ang 31-anyos na suspek na dating nagtatrabaho sa hotel bilang tagalinis ng swimming pool, ay itinurn-over sa Tuy Municipal Police Station ng mayor ng Tuy at chairman ng Brgy. Toong, kahapon dakong alas-11:00 ng umaga.

Ayon kay Tagaytay Police chief, Lieutenant Colonel Charles Daven Capagcuan, nagpasyang sumuko ang suspek matapos na makilala ito sa pamamagitan ng kuha ng CCTV sa hallway ng hotel.

Ayon kay Colonel Capagcuan, ang motibo ng suspek ay gantihan ang pamunuan ng hotel matapos na tanggalin siya sa trabaho.

Sa isinagawang imbestigasyon sa suspek, inamin nito na kinuha niya ang relo at sapatos ng lalaking Australian matapos niya itong saksakin at sakalin, at ang partner nito at ang manugang ng babae na si Adra.

Ayon kay Colonel Capagcuan, plano nilang sampahan ng kasong robbery ang suspek bukod pa sa kasong murder. (NILOU DEL CARMEN)

207

Related posts

Leave a Comment