SWINE REPOPULATION PROJECT IPATUTUPAD SA BULACAN

MULING nabuhayan ng loob at nakakita ng pag-asa ang 7,000 hog raisers sa lalawigan ng Bulacan matapos ang dalawang taong pamemeste ng African Swine Fever (ASF) at pagkamatay ng mga baboy noong 2019 hanggang 2020, dahil sa nakatakdang paglulunsad ng provincial government ng Bulacan Swine Repopulation Project.

Sinabi ni Gobernador Daniel Fernando, nagsimula na ang Panlalawigang Tanggapan ng Paghahayupan ng pagsusuri sa kapaligiran at sampol ng tubig noong Hunyo upang makita kung may ASF virus pa sa mga farm.

“Guided by the Bantay ASF sa Barangay or BABay ASF program, we need to control the spread of the disease and push for the rehabilitation of our local hog industry. Layunin nito na makatulong sa pig farmers na makabalik sa pag-aalaga ng baboy nang ligtas at magkaroon ng responsible repopulation para makaiwas muli sa outbreak,” ani Fernando.

Ayon sa datos ng PVO, 17 bayan kabilang ang Balagtas, Baliwag, Bulakan, Calumpit, Angat, Bocaue, Bustos, Guiguinto, Hagonoy, Pandi, Paombong, Plaridel, Pulilan, San Ildefonso, San Miguel, San Rafael at Lungsod ng Malolos ang lubhang naapektuhan kung saan 120,268 baboy mula sa 40 commercial hog farms at 87,743 baboy mula sa backyard farms ang pinatay.

“Noon nasa 100,000 na baboy kada buwan ang nabebenta natin, ngayon nasa more or less 10,000 na lang. Dati rin 50 porsyento ng pangangailangan ng karne sa Metro Manila tayo ang nagdadala kaya nakita nyo hindi talaga makapagbaba ng presyo ng baboy kasi hindi pa talaga tayo makapag-produce,” dagdag ni Fernando.

Samantala, sinabi ni Dr. Voltaire Basinang, panlalawigang beterinaryo, maaari nang mag-alaga muli ng baboy ang mga benepisaryo ng programang sentinel na ayuda ng pamahalaan kung magnenegatibo sa ASF virus sa dalawang magkasunod na pagsusuri sa loob ng dalawang linggo na may isang linggong pagitan at pumasa sa biosecurity audit ang isang farm.

Bukod dito, patuloy rin silang nagsasagawa ng seminar/forum at pamamahagi ng impormasyon, habang tuloy-tuloy rin ang paglilinis at pagdi-disinfect ng mga nagbababuyan.

Upang maging kwalipikado naman sa programang pautang, inirerekomenda ng tanggapan ng paghahayupan sa mga magbababoy na nasa loob ng red zone na hindi apektado ng ASF mula nang magkaroon ng outbreak, na sundin ang mga alituntunin at magsagawa ng pagkuha ng sample ng dugo at swab sa natitirang mga baboy na kailangang gawin ng may pagitan ng dalawang linggo at pagsusuri sa paligid at sa tubig na kailangang gawin nang may pagitan ng isang linggo, at pagpasa sa biosecurity level 2 bilang pagtalima sa BABay ASF. (ELOISA SILVERIO)

184

Related posts

Leave a Comment