SA gitna ng panganib sa kalusugan ng mga nasa fronline na tumutulong sa community quarantine ng gobyerno laban sa coronavirus disease 2019(COVID-19), hiniling kahapon ni Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman na mabigyan ng hazard pay ang mga healthcare worker, immigration employees, media workers at security forces.
Bukod sa hazard pay ay dapat ding tiyakin ng gobyerno na mayroon silang protective gears upang hindi malantad sa sakit.
“They are exposed to the virus on daily basis and we need to protect them. In its fight against the pandemic, I ask the government to provide additional assistance to the vulnerable sectors,” pahayag ni Hataman.
Habang pinatutupad ang lockdown ay dapat din na mabigyan ng financial security blanket ang daily wage earners na nagtatrabaho sa Metro Manila subalit naninirahan sa karatig lugar at gayundin ang mga nasa informal sector.
Nais ni Hataman na gayahin ng gobyerno ang polisiya sa Italy na sinuspinde ang pagbabayad ng mga renta sa bahay habang hindi nakakapagtrabaho ang mga empleyado dahil sa COVID-19.
Gayundin ay iminungkahi nito na magdeklara na ng state of calamity sa Metro Manila para magamit ang SSS at GSIS calamity loan. ABBY MENDOZA
