Ni VT ROMANO
EMOSYONAL na inihayag ni Manny Pacquiao ang pagreretiro sa larong boksing.
Kahapon sa isang video na inilabas sa kanyang official Facebook page, opisyal nang idineklara ng Pambansang Kamao na ‘Tapos na ang boksing!’
“It is difficult for me to accept that my time as a boxer is over. Today, I am announcing my retirement,” panimula niya. “I never thought that time would come.”
Kasunod, pinasalamatan ni Pacquiao ang lahat ng taong naging bahagi ng kanyang mahigit dalawang dekadang boxing career, mula nang mag-umpisa hanggang matapos at makapagtala ng 62 wins, eight losses at 2 draws (39 knockouts).
Una sa listahan ng kanyang mga pinasalamatan ang tiyuhing si Sardo Mejia, na siyang nagturo sa kanya ng boksing, kasunod ang pamilya Cordero, Nazario, Mondejar, Elorde, Lainez at si Mang Polding Correa, ang una niyang boxing manager.
“Who would have thought that Manny Pacquiao will end up with twelve major world titles in eight different weight divisions? Even me, I’m amazed at what I have done,” pahayag niya bilang pagbabalik-tanaw sa kanyang naging tagumpay.
Dagdag niya: “Hold the record of being the only boxer to hold world titles in four different decades, and become the oldest fighter to win a world welterweight title? Amazing accomplishment that I never thought I would accomplish.”
Hindi rin nakalimutang banggitin ng mag-43 anyos na Senador ang mga naging trainer niyang sina: Leonardo Pablo, naging gabay niya hanggang maging OPBF at WBC flyweight champion; former world title challenger at Japan-based boxer-turned trainer Emil Romano; Rick Staheli; Bobby Tinagsa; Mario Sumalinog; Alex Ariza at Peñalosa brothers.
Espesyal din ang pagkakabanggit niya kay Rod Nazario, na hindi lang bilang manager, kundi isang ama ang naging turingan nila. Si Nazario, kasama sina Moy Lainez at Lito Mondejar, at promoters Murad Muhammad at lawyer Sydney Hall ang nagdala sa kanya sa Amerika.
Malaki rin ang papuri at pasalamat ni Pacquiao kay Hall of Famer Freddie Roach, aniya’y hindi lang isang trainer kundi itinuring na rin niyang ama at kaibigan. Gayundin si Buboy Fernandez, kasabay niyang lumaki sa Gen. Santos na “More than a coach to me.”
At ang bumubuo ng kanyang training camp mula pa noon hanggang sa huling laban niya kay Yordenis Ugas noong nakaraang buwan.
Pinasalamatan din ni Pacquiao ang mga naging promoters at mga naging instrumento sa bawat laban niya: Bob Arum, Mike Koncz, Atty. Tom Falgui, Sean Gibbons, Al Haymon, Tom Brown, Fred Sternberg, Atty. Jeng Gacal, at Atty. Bong Gacal.
Hindi niya nakalimutan ang mga mediamen at ang fans sa buong mundo, na hindi nagsawang sumuporta sa kanya sa mahabang panahon.
“I just heard the final bell. Tapos na ang boxing!”
Bilang pangwakas, nagpasalamat si Pacquiao sa Panginoon.
“Glory to God who made it all happen. “I always believe that in God all things are possible. Without Him, I am nothing. He is the one who gives me the ability and strength to accomplish all those things.”
Sa kanyang pormal na pagreretiro, pagtutuunan ni Pacquiao ang kampanya para sa Presidential election sa 2022.
