INILABAS na ni Senador Manny Pacquiao ang “teaser” video na nagbubunyag sa mga anomalya sa distribusyon ng pondo ng programa, isang buwan bago pa man ang ipinangakong pagbubunyag sa mga detalye sa likod ng multi-billion Special Amelioration Program (SAP).
Sa pamamagitan ng video, layon ni Pacquiao na maisiwalat sa publiko ang sistematiko at kaduda-dudang alokasyon ng bilyun-bilyong pondo ng SAP ng Department of Social Welfare and Development at isa sa kanilang financial service providers na Starpay.
Sa paglalabas ng naturang 8 minutong video na may pamagat na “Hiwaga ng Ayuda”, inihayag ni Pacquiao na patikim pa lamang ito sa kaniyang isiniwalat na anomalya sa paggamit ng SAP sa pamamagitan ng Starpay. Ipinangako ni Pacquiao na idedetalye niya ang matinding korapsyon sa paggamit ng SAP funds sa kaniyang pagbabalik bansa sa Setyembre, pagkatapos ng inaabangang laban nito kontra kay Errol Spence Jr.
Ang alegasyong ito ni Pacquiao laban sa umano’y napakalaking korapsyon sa distribusyon ng bilyon pisong SAP Funds ay bilang sagot sa hamon ni Pangulong Duterte sa senador na patunayan ang akusasyon nito hinggil sa aniya’y lumalang katiwalian sa gobyerno sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Tinanggap ni Pacquiao ang naturang hamon at ipinangakong tutulungan ang pangulo sa pagtukoy ng mga korap na ahensya ng gobyerno. Sa kaniyang isinagawang virtual press conference noong Hulyo 3, pinangalanan ni Pacquiao ang DSWD, Department of Energy (DOE), at Department of Health (DOH) na kabilang sa mga tiwaling ahensya sa administrasyong Duterte.
Inihayag din nito ang aniya’y maling alokasyon ng SAP funds na ipinagkatiwala sa isang hindi kilala at naluluging e-wallet system at financial service provider na Starpay.
Noong Hulyo 15, naghain si Pacquiao ng resolusyon sa Senado na nagtutulak ng imbestigasyon sa isinagawang pamamahagi ng ayuda ng DSWD. Subalit nagpositibo sa COVID-19 ang chairman ng Blue Ribbon Committee na si Senador Dick Gordon, dahilan upang maantala ang paglulunsad ng imbestigasyon.
Inilahad sa “Hiwaga sa Ayuda” teaser video kung paano binigyan ng DSWD ng tila “special treatment” ang Starpay sa kabila ng kakulangan sa karanasan at kapabilidad na mangasiwa sa bilyun-bilyong ayuda.
Iniwan nito ang katanungan na bakit sa Starpay na ilang taon nang nalulugi, ipinagkatiwala ang pinakamalaking alokasyon ng pondo sa SAP2 na aabot sa kabuuang 52 bilyong piso? Kinuwestyon din nito kung bakit ang Starpay app na siyang gagamitin para mamahagi ng ayuda ng nasa 6 hanggang 7 milyong benepisyaryo ay mayroon lamang kabuuang 800,000 users. (ESTONG REYES)
251 