HAMON AT OPORTUNIDAD NG MULTIGENERATIONAL WORKFORCE

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

ISA sa pinakamatinding hamon na kinakaharap ng mga business executive at leader ang limang henerasyong sabay-sabay na bahagi ng workforce sa kasalukuyan.

Sa isang pag-aaral ng PwC, positibo ang pananaw ng mga Chief Executive Officer (CEO) sa Pilipinas kung usapin ng mga posibilidad sa industriya at paglago ng negosyo ang pag-uusapan. Pero kritikal na aspeto ngayon ng pagpapatakbo ng negosyo ang pamamahala sa manggagawa at empleyado na mula sa iba’t ibang henerasyon dahil sa matinding pagkakaiba-iba ng mga ito.

Nasa 76% ng mga CEO ang nagsabing ang pinakamalaking hamon ay ang pamamahala sa isang multigenerational workforce dahil sa pagkakaiba sa komunikasyon, istilo ng pamumuhay, at mga inaasahan sa balanse ng trabaho at buhay bilang pangunahing mga isyu.

Halimbawa na lang sa pananaw at persepsyon sa trabaho kung saan malaki ang pagkakaiba ng Baby Boom Generation (1946 to 1964) na matindi ang pagpapahalaga sa paglalaan ng mahaba at maraming oras sa pagtatrabaho. Samantala, pinapahalagahan naman ng mga Millennial Generation (1981-1996) at Generation Z (1997-2010) ang flexibility at work-life balance.

Kadalasan nagreresulta ang ganitong pagkakaiba sa hindi pagkakaunawaan, o kaya naman pagrereklamo at pangungutya.

Pero marami ring oportunidad ang pagkakaiba-iba ng mga henerasyon sa workforce, dahil may kani-kanilang strengths o kakayahan na maaaring hasain at gamitin para mas maging produktibo at epektibo ang isang organisasyon. Sa ganitong sitwasyon, mahalagang mayroong isang dynamic at inclusive na work environment kung saan napakikinabangan ang mga kakayahan, natutugunan ang mga kahinaan, at nagkakaroon ng pagtutulungan at mga inobasyong makatutulong hindi lamang sa organisasyon kundi pati na rin sa mas malawak na komunidad.

Mahalaga ang pagkakaroon ng kultura ng pag-unawa at paggalang sa mga pagkakaibang ito. Makatutulong ang mga coaching at mentorship program para maging tulay sa pagkokonekta ng agwat sa pagitan ng nakatatanda at nakababatang henerasyon.

Mayroon nang malalim na karanasan at kaalaman ang nakatatandang henerasyon, tulad ng Baby Boomers at Generation X dahil naging saksi sa ebolusyon ng mga sistema at estratehiya na ginagamit ngayon. Bukod pa riyan, hindi rin kaila ang kanilang karunungan sa paggawa ng desisyon at mga etikal na prinsipyo na nahulma ng mahabang panahon ng pagtatrabaho.

Maaaring ipasa ng mga nakakatandang henerasyon ang kanilang karunungan at karanasan sa mga Millennials at Generation Z.

Dala naman ng nakababatang generasyon ang sariwang pananaw at teknolohikal na kakayahan, dahil sa napakabilis na digital transformation na talagang mapakikinabangan naman kung alam natin kung paano gagamitin. Maraming mga solusyong dala ang kasalukuyang digitalisasyon na bahagi na ng kanilang pamumuhay.

Para maging matagumpay at sustainable ang isang negosyo, kailangan talaga na makapag-adjust at dapat maging mas bukas sa pagbabago, lalo na sa pagdating ng mga bagong lider mula sa mas batang henerasyon.

Mas tumindi rin ang importansya ng tinatawag na succession planning para matiyak ang maayos na transisyon ng pamunuan at maiwasan ang anomang pagkagambala sa operasyon ng mga organisasyon.

Ayon sa parehong survey ng PwC, 52% ng mga CEO ang nagsabing nakapagplano na sila para sa pagpapatuloy ng pamunuan, habang 23% naman ang wala pang plano.

Kahit saan naman ay mahalaga ang pagpaplano at hindi na natin maikakaila na kalakip nito ang pagsigurong mayroong bukas na komunikasyon sa loob ng organisasyon.

Marami mang hamon, marami ring oportunidad na makukuha sa pagkakaroon ng multigenerational workforce dahil ito ang magtutulak kung ano ba ang magiging kinabukasan ng isang kumpanya o organisasyon.

111

Related posts

Leave a Comment