PAGKATAPOS NG EL NIÑO, LA NIÑA NAMAN ANG DAPAT PAGHANDAAN

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

NAGHAHANDA na ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa maaaring maging epekto ng La Niña na inaasahang mararanasan sa paparating na mga buwan.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy na humihina ang El Niño at posible itong magwakas sa susunod na buwan, samantalang may 60 porsyentong posibilidad naman na magsimula ang La Niña sa paparating na mga buwan.

Sa ngayon, damang-dama pa ang init sa napakaraming bahagi ng bansa pero nitong nakaraang linggo ay naranasan naman sa maraming bahagi ng bansa ang epekto ni Aghon, ang unang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong taon. Nasa 13 hanggang 16 na tropical cyclone nga raw ang posibleng pumasok o mabuo sa loob PAR ngayong 2024.

Ngayon pa lang, kailangan na talagang maghanda dahil nakita naman natin ang matinding dulot ng extreme weather phenomenon. Ang La Niña ay kilala sa pagdudulot ng malakas na ulan at pagbaha na maaaring magdulot ng malawakang pinsala sa mga ari-arian, imprastruktura, at buhay ng mga tao. Kaya napaka-kritikal ng pagpapatupad ng mga proyektong makatutulong para masiguro ang kahandaan at katatagan ng komunidad laban sa mga kalamidad.

Kamakailan ay nagpahayag si Pangulong Bongbong Marcos ng kahandaan sa La Niña at bahagi nito ang pagtatayo ng mga flood control projects.  Aniya, ginagawa na ng gobyerno ang lahat ng makakaya nito para sa paghahanda sa La Niña na sa pagtataya ay tatama sa bansa sa huling bahagi ng taon.

Nasa balita na rin ang pakikipagpulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at mga kinatawan ng lokal na pamahalaan sa Metro Manila para ilatag ang mga plano kagaya ng pagtatayo ng mga pumping station sa mga lugar na madaling bahain sa kalakhang Maynila bilang bahagi ng Metro Manila Flood Management Project.

Mahalaga ang paglalagay ng mga pumping station at pagpapabuti ng mga drainage system. Ito ay isa sa mga mahalaga at napapanahon na mga inisyatiba upang ma-manage ang epekto ng La Niña.

Ang pangunahing benepisyo ng mga pumping station at improved drainage system ay ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga residente. Sa pamamagitan ng mabilis na pag-agos ng tubig-baha at ang kakayahan ng mga pumping station na mapabilis na magpa-recede ng tubig, nababawasan ang panganib ng mga aksidente at sakit na dulot ng pagbaha.

Alam rin natin na nagdudulot din ng malalaking perwisyo sa ekonomiya ang malalakas na bagyo dahil posible itong magdulot ng pagkasira ng mga negosyo, pagsuspinde ng trabaho, at pagkasira ng mga taniman.

Pero kailangan din natin ng mas malawakang pagtugon sa mga natural disaster at pagbabago ng klima. Mahalagang pag-ibayuhin ang pagpapabuti sa urban planning para maging mas handa at resilient ang mga komunidad sa mga natural na kalamidad.

Bukod pa diyan, dapat ding pag-ibayuhin ang pakikipagtulungan ng pamahalaan sa lahat ng miyembro ng lipunan kagaya ng pribadong sektor para tingnan pa kung anong mga programa at proyekto ang maaaring maipatupad at mapakinabangan ng mas maraming tao. Ang proaktibong pagtugon sa mga potensyal na panganib ay makatutulong para maprotektahan ang mga tao at ang ekonomiya, habang tumutugon sa mas malawak na isyu ng pagbabago ng klima.

Kailangan din ang patuloy na suporta at pagsubaybay sa mga proyektong para masiguro ang maayos na pagpapatupad ng mga ito at masiguro ang kanilang sustainability.

76

Related posts

Leave a Comment