BASTA KOMPORTABLENG BIYAHE, OK ANG TAAS-PASAHE SA LRT -1

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

TEKA, tumaas na ba ang sahod mo, Igan … bumaba na ba ang konsumo mo sa kuryente, sa tubig at ang pamasahe — sa bus, jeep, tricycle –mataas pa rin.

Ay, ang hirap talaga ‘pag taga-Metro Manila ka, o kung promdi ka, pero daily wage earner ka sa National Capital Region (NCR), ang laki ng gastos.

Eto ngayon ang isang balita — good ito sa LRT 1 management, pero kay Daily Wage Earner (DWE), ito ay bad news.

‘Yung dating minimum na P15, magiging P20, at ang maximum fare, P55 na, at malaking dagdag ito sa gastos.

More or less, P100 na itong bawas sa P645 minimum wage mo sa NCR, at sa Cavite at Bulacan, P560 arawang sahod, at ano ang magiging resulta, maghihigpit na naman ng sinturon si DWE.

Nakagagalit ito, kasi feeling ko at ng karaniwang obrero, dagdag pasanin ito, anti-poor, bakit pahihirapan naman ang kuba na sa hirap na si karaniwang empleyado.

Kailangan na raw magtaas ng pamasahe, kasi, 10 years nang hindi nagtataas ng pamasahe ang LRT-1 management, e lahat ng operational expenses, e tumaas — kuryente, langis, sahod, piyesa, at lahat ng kilos, may gastos.

Kailangan din, every day, maayos ang patakbo ng LRT-1, masigurado na mabilis, maayos, at tuloy-tuloy ang biyahe, aba, hindi biro ang humigit kumulang na 500 pasahero na sineserbisyuhan ng linyang ito, tapos, dagdag gastos din ang LRT-1 extension line papuntang Bacoor, Cavite.

E, saan gugugulin ang makokolekta sa taas-pasahe?

Sabi ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), operator ng LRT-1 sa ilalim ng public-private partnership, marami nang nangyaring pagbabago mula 2015, tulad ng pagdami ng bagon (coach) mula sa 77, ito ay 144 na ngayon.

Wala na ring aberya, halos 100% na ang takbo ng tren, at upgraded na ang operation ng LRT-1.

Okay, pero paano nga ang obrerong kuba na sa hirap sa maliit na sahod, dagdag pahirap uli ito, LRT-1 management.

Bakit hindi ang gobyerno ang sumagot sa dagdag gastusin ng LRT-1, e bilyon-bilyong piso ang ipinondo sa infrastructure project sa 2025 national budget?

Bakit hindi bawasan ang mahigit na P500-bilyon na ayudang AKAP, AICS at iba pa, o kaya magbigay ng discount sa mga estudyante, seniors, PWDs o solo parents?

Okay, tanggap na natin, kailangan ang fare hike para ma-maintain ang maayos, mabilis at walang palyang biyahe ng tren.

Karanasan natin, kahit ano pa ang gawing pagtutol ng taumbayan, kailangan na irespeto ng gobyerno ang ang public-private partnerships sa operasyon ng LRT-1.

Kung kailanganin ngang magtaas ng pamasahe, dapat tapatan ito ng bukas sa bayan kung paano ginagastos ang idinaragdag na pamasahe — sa ngalan ng transparency at accountability.

Kumbaga, naiipit tayo sa nag-uumpugang bato: ‘pag tumanggi sa dagdag-pasahe, apektado ang serbisyo ng tren, at ang resulta, ‘pag nagka-aberya, pasahero ang mapeperwisyo.

Kaya, kailangang tanggapin na kailangan nga ang taas-pamasahe, para sa mas epektibo, mas mahusay na serbisyong ligtas sa mga pasahero.

‘Wag magdagdag ng pamasahe, maiipit ang karaniwang tao, ‘pag palpak ang takbo ng tren.

Kung maganda ang serbisyo, mas magiging produktibo ang tao, mas magiging magaan ang biyahe araw-araw.

Kaya, kung mabigat man sa bulsa, ang ating konsuwelo o pakinabang ay mas komportableng pagpasok at pag-uwi sa trabaho; ligtas na biyahe ng mga estudyante.

‘Pag tinapatan ng biyaheng tren na mabilis, ligtas, at walang abala, sa tingin ko, sulit na rin ang taas-pasahe.

Tanggapin na natin, lahat ay may sakripisyo kung nais ay mas maalwang biyahe sa pagpasok at pag-uwi, at dagdag oras naman iyon sa oras na makakapiling ang ating mga mahal sa buhay.

Aanhin mo ang murang pamasahe, kung dis-oras ng gabi, nasa biyahe ka pa at nag-aala sa pamilya.

Okay na, magbabayad na ako ng taas-pasahe, siguraduhin lang, maaga akong makapapasok, makauuwi sa piling ng aking mga mahal sa buhay.

Ayos, solve na ang alalahanin ko.


Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisims@yahoo.com.

60

Related posts

Leave a Comment