‘TOLONGGES’ NA TSUPER SA MAYNILA BINALAAN

NAGBABALA si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno ” Domagoso sa lahat ng public utility drivers sa lungsod na huwag maningil nang sobra sa mga pasahero lalo’t nasa gitna pa ng pandemya.

Ang babala ng alkalde ay kaugnay ng mga natatanggap nitong reklamo na may mga tolongges na driver ng pedicab at tricycle na naniningil nang sobra sa itinakdang pamasahe ng pamahalaang lungsod.

Ayon pa kay Yorme, dati rin itong driver ng pedicab pero ‘di siya nanloko ng kanyang pasahero at naghanapbuhay siya ng parehas.

“What goes around, comes around. Matakot po tayo sa karma. Hindi po maganda na tayo ay nanlalamang ng ating kapwa, lalopa’t tayo ay nasa gitna ng pandemya,” dugtong pa ni Moreno.

Dahil dito ay inatasan ng alkalde si Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) chief Dennis Viaje na kausapin at bigyan ng babala ang mga nasabing driver na nagsasamantala sa kanilang pasahero.

Ayon pa dito, ang mga driver ay dapat maningil lamang ng P20 sa unang kilometro at karagdagang P5 kada kalahating kilometro.

“Hindi po tayo tolongges o naging abusado noong tayo ay isang pedicab driver kaya naman ang pakiusap ko po sa mga drayber ay sundin ang itinakdang fare rate sa ating mga pedicab at tricycle,” pahayag pa ng alkalde.

Ipinaalala rin ni Yorme na bawal ang pangongontrata at hindi niya palalampasin ang anomang uri ng pang-aabuso, kasabay ng pakiusap na maging mapang-unawa lalo na sa panahon ng kagipitan.

Iginiit pa ng alkalde na tulad ng mga driver, ang mga pasahero ay hirap din sa pera. (RENE CRISOSTOMO)

167

Related posts

Leave a Comment