NANANATILING COVID-19 free ang Navotas City Jail (NCJ) hangggang sa kasalukuyan, ayon sa pamunuan nito at isa sa tinitingnang dahilan ay ang ipinatutupad na electronic visit o e-dalaw.
Sa e-dalaw, pinapayagan ang mga PDL ng hanggang 20-minutes video conference kasama ang kanilang pamilya at mga mahal sa buhay mula Martes hanggang Linggo bilang kapalit ng pisikal na pagbisita sa mga preso.
Ayon sa pamunuan ng NCJ, habang ang lungsod ng Navotas ay iniulat na isa sa mga lungsod sa Metro Manila na may record na mataas na kaso ng COVID-19 sa pagitan ng buwan ng Hunyo at Hulyo bago napababa ng city government ang bilang ng mga dinapuan ng virus, hindi napasok ng COVID-19 ang NCJ dahil sa mahigpit na ipinatutupad na health at safety measures.
Kabilang sa mga hakbang na ito ang pagsasailalim sa buong pasilidad sa lockdown mula sa unang araw ng pandemya at sinuspinde ang mga oras ng pagbisita, habang ang jail officers naman na
naka-duty ay hindi pinapayagan na umalis sa pasilidad sa loob ng 15 araw bago halinhinan ng kanilang mga karelyebo.
Maging ang mga pagkain na pinapayagang pumasok ay dumaraan din sa mahigpit na sanitizing protocols.
Nasa 200 persons deprived of liberty (PDLs) na ang nakalaya mula sa NCJ sa panahon ng pandemya dahil sa patuloy na virtual o video hearing conferences. (ALAIN AJERO)
106