ANG oposisyon sa eleksyong 2022 ay ang 1SAMBAYAN.
Isa sa pagpipilian ng 1SAMBAYAN bilang pambato sa pagkapresidente ay si dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV.
Panawagan ko sa mga convenor ng 1SAMBAYAN tulad ng NAGKAISA Labor Coalition at Bayan Muna na tanggalin nila si Trillanes sa mga kandidato sa pagkapangulo, o sa pagkapangalawang pangulo, ng oposisyon dahil mayroon na itong nagawang krimen.
Malaking insulto hindi lamang sa mga botante, kundi sa 110 milyong Filipino, na ang kandidato ng 1SAMBAYAN ay mayroong “criminal record”.
Pokaragat na ‘yan!
Ang nagawang krimen ni Trillanes, ayon sa hatol ni Makati – Regional Trial Court (Makati – RTC) – Branch 148 Judge Andres Soriano, ay “guilty” ang dating senador sa kasong libelo patungkol sa kanyang akusasyon noong Abril 2015 laban sa noo’y alkalde ng Makati na si Jejomar Erwin Binay Jr.
Pokaragat na ‘yan!
Batay sa rekord ng Makati – RTC, habang panayam si Trillanes ng media ay inakusahan niya si Binay na nanuhol ng milyun-milyong pera sa mga mahistrado ng ikaanim na dibisyon ng Court of Appeals (CA) upang maharang ang unang “suspension order” ng Office of the Ombudsman (OMB) laban sa kanya.
Senador si Trillanes noong ibinunyag niya ang umano’y “justice for sale” sa CA.
Ayon sa desisyon ni Soriano, linabag ni Trillanes ang Libel Law dahil wala siyang batayan sa akusasyong ‘ibinenta’ ng mga mahistrado ang kanilang desisyon pabor kay Binay.
Idiniin ni Soriano na nailatag at napatunayan ng prosekyusyon na pasok ang lahat ng elemento ng krimeng libelo na nakasaad sa Artikulo 353 ng Revised Penal Code na nakaugnay sa Artikulo 355 ng parehong batas hinggil sa birada ni Trillanes kay Binay.
Hindi nakumbinsi si Soriano sa depensa ni Trillanes na naghain siya ng resolusyon sa Senado na humiling ng imbestigasyon laban sa korapsyon sa pamahalaang lungsod ng Makati dahil naganap ito ilang araw matapos ang panayam ni Trillanes sa media.
Tinabla rin ni Soriano ang rason ng dating mambabatas tungkol sa desisyon ng Senate Blue Ribbon Committee laban sa mga Binay.
Kahit senador si Trillanes noong 2015 ay wala siyang karapatan at wala sa hulog na bigwasan at akusahan si Binay ng panunuhol ng milyun-milyon sa mga mahistrado ng CA nang walang batayan.
Paano kung naging pangulo ng Pilipinas si Trillanes?
Babatikusin at aakusahan din ni Trillanes ang kanyang mga kritiko ng mga krimen nang walang ebidensya tulad ng ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte.
