PAGBOMBA NG ISRAEL SA GAZA KINONDENA NG MUSLIM CONGRESSMAN

MARIING kinondena ng isang Muslim congressman ang pag-atake muli ng Israel sa Gaza na nagresulta umano ng kamatayan ng daan-daang sibilyan, kasama na ang mga kababaihan at mga bata.

Lalong nadurog umano ang puso ni Basilan representative Mujiv Hataman dahil itinaon ang pagbomba sa Gaza sa panahon ng Ramadan na sagradong panahon ng mga Muslim at kahit umiiral pa umano ang tigil-putukan.

“Durog na durog na ang puso ng bawat Muslim sa buong mundo sa mga larawang lumalabas mula sa Gaza. Mga katawan ng bata na walang buhay, mga pamilyang naghuhukay sa guho para mahanap ang kanilang mahal sa buhay at mga magulang na yakap-yakap ang kanilang anak na hindi na gumagalaw,” ani Hataman.

Hindi na aniya ito giyera na matatawag kundi pagmasaker ng mga inosente dahil mga sibilyan na ang tinatarget ng brutal na pag-atake ng Israel at patunay aniya dito ang mga larawang kumalat sa social media tulad ng mga walang buhay na mga bata na yakap-yakap ng kanilang mga magulang, pamilyang nasa ilalim ng gumuhong gusali at bahay at punong-puno umano ang mga hospital ng mga sugatan.

“Mga tanawing nagdudulot (ang mga ito) ng matinding panginginig sa galit at lungkot sa napakaraming nakakasaksi,” ayon sa kongresista.

Dahil dito, umapela si Hataman sa international community, partikular na ang mga grupong nagsusulong umano ng karapatang pantao at hustisya, na agad na aksyunan ang lumalalang problemang ito sa Gaza.

Hindi aniya dapat manahimik ang mga ito dahil ang pananahimik ay indikasyon aniya na maging sila ay pabor sa pagpapamasaker ng mamamayan ng Gaza na mistulang binubura na sa ibabaw ng lupa.

“To my fellow lawmakers, I urge you to stand on the right side of history. We must raise our voices against these atrocities and push for stronger international intervention. No child should ever have to die in the arms of a desperate parent. No family should ever be massacred in their own homes,” idiniin ni Hataman.

(PRIMITIVO MAKILING)

56

Related posts

Leave a Comment