LAGUNA – Binawian ng buhay ang isang pahinante matapos na tumalon mula sa sinasakyang truck na nawalan ng preno sa Manila East Road sa bayan ng Mabitac, sa lalawigang ito, noong Sabado.
Kinilala ang namatay na si John Paul V. Lara, 23, residente ng Barangay Mahabang Parang, Angono, Rizal.
Ayon sa report, galing sa Rizal ang truck na sinasakyan ng biktima at patungo sa Laguna nang mawalan ito ng preno habang palusong sa kurbadang bahagi ng highway sa Barangay Amuyong, Mabitac.
Dahil sa takot, tumalon ang biktima ngunit una ang ulong tumama sa konkretong kalsada na agad nitong ikinamatay.
Sumalpok naman ang truck sa konkretong poste bago dumiretso at bumangga sa isang furniture shop.
Bahagyang nasugatan ang driver nito na si Ramonito Ebona Ragodos, 38, at isa pang pahinante na si Nelson Villaflor Cator, 38-anyos. (NILOU DEL CARMEN)
