Tulak na trike driver, nang-rape ng lola arestado CHILD TRAFFICKER NALAMBAT NG TROPA NI GEN. ESTOMO

INIULAT ni PNP-PRO5 Director P/BGen. Jonnel C. Estomo kay PNP chief, P/Gen. Guillermo Eleazar ang pagkakaaresto sa isang suspek sa qualified trafficking in person na menor de edad ang mga biktima.

Nadakip ng mga operatiba ng PRO5-Albay mula sa Daraga MPS, sa pangunguna ni P/Lt. Jay Steve C. Lozares, kasama ang mga tauhan ng CIDG-PFU 5 at SRT RMU5, sa ilalim ng superbisyon ni P/Col. Arnold Santiago, Provincial Director ng Albay PPO, sa bisa ng warrant of arrest, ang suspek na si Jennifer Quintana y Lomerio.

Walang inirekomendang piyansa para sa suspek si Hon. Jose Camacho Evan, presiding judge ng RTC Branch 9, 5th Judicial Region, Legazpi City, para sa nasabing kaso.

Bukod dito, may isa pang inilabas ang korte na warrant of arrest laban sa suspek para sa kasong attempted trafficking in person at inirekomenda ang paglalagak ng P150,000 halaga ng pyansa.

Ayon sa record ng korte, sinamantala ng suspek ang kainosentehan ng mga menor de edad na biktima, may gulang na 15 hanggang 17-anyos, at dinala ang mga ito sa isang nagngangalang Gerard Bayani (isa umanong gay) noong 2017.

Ang arestadong suspek ay pansamantalang nakadetine sa Daraga MPS.

Samantala, umabot sa 50 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P340,000 ang halaga ang nakumpiska ng mga tauhan ni P/BGen. Estomo sa isang tricycle driver sa isinagawang anti-narcotics operation sa Brgy. San Isidro Village, Virac, Catanduanes noong Huwebes.

Ayon kay P/BGen. Estomo, nadakip sa isinagawang buy-bust operation bandang alas-8:00 ng umaga ang suspek na kinilalang si Eddie Bien y Molina, 40-anyos, residente ng nabanggit na lugar.

Si Bien ay kabilang sa regional level high value individual ng pulisya kaugnay sa kampanya kontra ilegal na droga.

Ayon sa imbestigasyon, ginagamit ng suspek ang kanyang pampasadang tricycle sa paghahatid ng ilegal na droga sa kanyang mga kliyente.

Kasalukuyang nakapiit si Bien sa Virac MPS at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

“Ang tagumpay na ito ay bahagi ng ating mas pinagtibay na kampanya kontra droga at kriminalidad upang masigurado ang pagkamit ng isang matiwasay na komunidad. Muli’t-muli naming pagsisikapang bigyan ng wakas ang problemang ito at hindi kami mapapagod suyurin at hanapin kayo matigil lamang ang ilegal ninyong mga gawain. Walang magandang kinabukasan ang naghihintay sa inyo sa pagkalulong ninyo sa ipinagbabawal na gamot, itigil n’yo na ‘yan at piliing mas mamuhay nang may dangal sa respeto sa inyong mga sarili”, ayon kay P/BGen. Estomo.

Sa isa pang operasyon, nadakip din ng mga tauhan ng PNP-PRO5 ang no.6 most wanted person ng Masbate na suspek sa panggagahasa sa isang 64-anyos na lola noong nakalipas na taon.

Ayon sa ulat ni P/BGen. Estomo, nadakip ng kanyang mga tauhan ang suspek na si Samuel Lupango Tumbaga, 40, may asawa, laborer, at residente sa Purok 7- Maristela, Brgy. Asid, Masbate City.

Natunton ng pinagsanib na pwersa ng RPSPU5, 1st PMFC, at 2nd MARPSTA ang pinagtataguan ng suspek at nasakote dakong ala-1:30 ng hapon noong Miyerkoles sa Masbate City Terminal Diversion Road, Brgy. Pating, Masbate City.

Ang suspek ay responsable sa panggagahasa sa isang 64-anyos na biktima noong Disyembre 19, 2020.

Si Tumbaga ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Jose Ronald M. Bersales ng RTC Branch 47, Masbate City, may petsang April 14, 2021 para sa kasong rape. Walang inirekomendang pyansa ang korte para sa nasabing suspek. (JESSE KABEL)

135

Related posts

Leave a Comment