CPP-NPA secretary nabitag KADRE PUMALAG SA ARESTO, PATAY SA PNP-PRO5

PATAY ang isang kasapi ng communist terrorist group sa inilunsad na law enforcement operation noong Huwebes ng madaling araw sa Brgy. San Roque Heights, Bula, Camarines Sur.

Ayon kay PNP-PRO 5 Director P/BGen. Jonnel C Estomo, napaslang ng kanyang mga tauhan ang kasapi ng New People’s Army na si Alex Iñola Llabres nang magtangkang manlaban dakong alas-3:00 ng madaling araw sa nabanggit na lugar.

Si Llabares ay isang aktibong miyembro ng L1, KP5 ng Albay bilang Sangay ng Partido Lokalidad, at secretary ng Platoon BUFF.

Ang suspek ay pakay ng search warrant no. 15-2021 dahil sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Sinasabing palapit pa lamang ang mga awtoridad ay biglang tumakbo sa likod ng kanilang bahay ang suspek at nagpaulan ng bala sa mga pulis.

Gumanti ng putok ang mga awtoridad bilang depensa na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.

Samantala, nadakip ng mga operatiba ng PNP-PRO5 ang isang high ranking member ng New People’s Army at isang kasapi nito sa magkahiwalay na police operation noong Huwebes.

Ayon kay P/BGen. Estomo, nadakip ng kanyang mga tauhan si Jennifer Ibañez Nuñez, kalihim ng New People’s Army sa probinsya ng Masbate.

Ang 45-anyos na si Nuñez ay tumatayong kalihim ng Samahang Local na Komunidad, sa ilalim ng “Ka Daddy” Command GP4, L1, Masbate.

Napag-alaman din na si Jennifer ay asawa ni Rico Nuñez alyas “Aron/Dods,” commanding officer ng RYG, BRPC Larangang Yunit Guerilla.

Kabilang si Jennifer sa itinuturong mga responsable sa pagpapasabog gamit ang IED at pagpapaulan ng bala sa isang ambulansya na ikinasugat ng mga sakay nito na kinilalang sina Oliver Ocap y Agustin, ang driver ng naturang sasakyan, at Florentino Muhilum y Dionson noong Hunyo 23 bandang alas-11:30 ng umaga sa Brgy. Bagacay, Mobo, Masbate.

Siya ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong multiple attempted murder.

Nadakip din sa hiwalay na operasyon sa Brgy. Poblacion 1, Mobo, Masbate si Larry Masamoc y Macadat, 38, sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act na may kaugnayan sa RA 9516, RA 8294 at PD 1866, mga batas na nagbabawal sa pagbili, paggawa, pag-angkat, o pag-aari ng bomba at iba pang pampasabog. (JESSE KABEL)

168

Related posts

Leave a Comment