TULONG MULA SA PITMASTER, BUMUHOS SA LEYTE

HANGGANG ngayon, bakas pa rin sa lalawigan ng Leyte ang bagsik na dala ng bagyong Agaton.

Matindi ang pinsalang idinulot ng bagyo.

Kaya nga nagtungo roon si Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan para personal na makita ang pinsalang iniwan ng kalamidad.

Nagkaroon ng situation briefing kasama ang mga opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at mga lokal na lider.

Sabi nga ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, hindi bababa sa 100 katao ang nasawi, higit 20 ang nawawala at nasa walo ang nasugatan.
Tinatayang 1,689,436 katao o 494,607 pamilya ang naapektuhan ni Agaton sa 2,068 na mga barangay.

Mas maraming apektado sa Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro (BARMM).
Sa kabila ng pinsalang ito, malaking bagay ang paghahatid ng tulong ng iba’t ibang grupo tulad na lamang ng Pitmaster Foundation.

Kamakailan kasi ay namahagi ang Pitmaster ng healthcare kits para sa mahigit 2,000 na pamilya sa Carigara, Leyte.

Aba’y nag-donate rin ang Pitmaster ng sewing machine para sa isang rug sewer na nagsusumikap para na magkaroon ng kabuhayan ngayong pandemya
Maraming salamat sa GMA-7 Kapuso Foundation sa pakikipag­tulungan sa kanila para maging posible ang programang ito.

Daan-daang pamilya rin ang hinatiran ng tulong ng Pitmaster at BGT Cares Foundation sa apat na evacuation centers sa bayan ng Abuyog sa Leyte.
Sila ‘yung mga lugar na pinaka-naapektuhan ng Bagyong Agaton ngayong buwan ng Abril.

Naku, tinawid ng grupo ang Brgy. Buenavista na inabot ng hanggang leeg na baha sa kasagsagan ng bagyo.

Kung hindi ako nagkakamali, doon pansamantalang namamalagi ang mga taga-Brgy. Lawaan na naapektuhan naman ng landslide.

Siyempre, mainit ang naging pagtanggap ng mga taga-Brgy. Buenavista at Lawaan sa Pitmaster.

Madalang nga naman kasi ang personal na bumibisita at nag-aabot ng tulong sa kanila.

Una nang namahagi ng relief goods at nakiramay sa mga pamilya ng mga nasawi si Atty. Caroline Cruz, executive director ng Pitmaster, at maging si Bernie Tacoy, founder ng BGT at miyembro ng Pitmaster Group.

Maliban dito, namahagi rin ang Pitmaster ng food packs para sa mga masisipag nating tricycle drivers sa Muntinlupa para matulungan sila sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ibinunyag nga pala ng foundation na nakatanggap sila ng mensahe na may nagpapanggap bilang empleyado nila at nagsasabing nagbibigay raw ito ng tulong pinansyal gamit ang GCash.

“Nais po naming magbigay ng babala na kami ay hindi humihingi ng donasyon o nagbibigay ng donasyon gamit ang GCash. Ang mga pagtangkang pagtext ukol dito ay pawang scam,” babala pa ng Pitmaster sa isang statement.

Paglilinaw pa nila, ang Pitmaster ay hindi affiliated o konektado sa kahit anong organisasyon o institusyon na humihingi o nagbibigay ng cash donations.

Well, kapag may krisis ay naglulutangan talaga ang mga ganyang modus.

Hindi dapat binabalewala ito.

Dapat silang maparusahan o habulin ng batas.

Sa totoo lang, hindi rin naman makakakilos ang mga awtoridad kung walang partisipasyon ng mga mamamayan.

Dapat isuplong sa mga pulis ang mga ganitong gawain.

Huwag natin silang hayaang mamayagpag.

Putulan natin sila ng sungay habang maaga pa.

Mag-ingat po tayo sa mga scammers o manggagantso!

177

Related posts

Leave a Comment